Posibleng impeachment case vs PNoy, dedesisyunan sa susunod na linggo
Tatalakayin ng minorya sa Kamara de Representantes sa susunod na linggo kung isasampa nila ng impeachment complaint laban kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Ang posibleng reklamo laban kay Aquino ay batay sa alegasyon ni Danilo Lihaylihay, presidente ng Philippine Association of Revenue Informers, Inc., na nagkaroon ng “massive tax fraud" sa pagbenta ng lupain sa Baguio City na pag-aari ng gobyerno sa SM Investment Corporation. Ayon kay House Minority Leader Rep. Danilo Suarez, isusumite niya sa Lunes sa mga kasapi ng oposisyon ang ginawa niyang pag-aaral sa reklamong ipinadala sa kanyang tanggapan ni Lihaylihay. “This coming Monday, I will present my report to the members of the opposition bloc and then, we will decide whether to file the impeachment complaint (laban kay Aquino) or throw it to the garbage can," ayon kay Suarez. Sa kabila ng pag-amin na mahihirapan silang ma-impeach si Aquino dahil sa laki ng suporta nito sa Kamara, sinabi ni Suarez na kailangan niyang gampanan ang kanyang tungkulin bilang mambabatas at pinuno ng minorya. Maging si dating House Minority leader Albay Rep. Edcel Lagman, ay kombinsidong mahina ang bintang ni Lihaylihay laban kay Aquino kaya imposibleng maging basehan ito para patalsikin ang pangulo sa paraan ng impeachment. Payo ni Lagman, piniling maging indepedyente na lamang sa Kamara, dapat maghanap ng ibang makabuluhan at napapanahong usapin ang oposisyon sa ikakasa laban kay Aquino. Sinabi ng kongresista ng Albay na ang lupain sa Baguio City na pag-aari ng gobyerno na ibinenta umano sa SM Group ay unang ipinasubasta noon pang 1992. “It is a relic which should be consigned to the archives rather than exhumed as a possible ground for impeachment of President Aquino since it is bereft of legal and factual anchorage," paliwanag ni Lagman. “The execution of the deed of absolute sale by President Aquino on September 16, 2011 in favor of the winning bidder and purchaser, the SM Group, which fully paid the purchase price in 1997, was only confirmatory of the legal transaction and mandated by law. Responsibility and candor demand that non-issues should not be floated as serious concerns," dagdag pa niya. Sinabi naman ni Suarez na mas makabubuting pagtuunan ng pansin ni Lagman ang isinusulong nitong mga panukalang batas gaya ng kontrobersiyal na reproductive health (RH) bill. - PR/FRJ, GMA News