ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Aquino kay Corona: Alin ang totoo, SALN o nabuking na assets?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Muling pinasaaringan ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Huwebes si Chief Justice Renato Corona dahil sa umanoy "mismatch" sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng punong mahistrado at ang mga ari-ariang natuklasan na nakapangalan sa hukom. "The discrepancy," ayon kay Aquino, "is as clear as day." “Maliwanag pa po sa sikat ng araw: Ginoong Corona, ang sinumpaan mong salaysay ay hindi tugma sa natuklas na pag-aari mo. Maski saang paaralan po sa buong mundo, P3.5 million does not equal P31.5 million. Alin po ba ang totoo, Ginoong Corona?” ayon kay Aquino sa isang pulong bayan kasama ang mga mag-aaral sa at La Consolacion College sa Manila. Binatikos din ni Aquino ang umano'y pagsisikap ng kampo ni Corona na guluhin ang impeachment trial. Sa kabila nito, malakas pa rin umano ang tiwala ng Pangulo sa  impeachment process at hindi niya papayagang malihis ang isyu sa impeachment. “Pinili ko pong magmasid at manahimik muna ukol sa isyung ito, at buo pa rin po ang tiwala ko sa proseso. Ngunit ano po ba ang nangyayari sa ngayon? Napakarami pong nagpapalit-palit ng kuro-kuro, na tila ba sadya tayong hinihilo o inililigaw para mawalan ng interes,” aniya. “Magpapa-etsa-puwera na lang po ba si Juan de la Cruz sa prosesong ito? Hahayaan na lang po ba natin na iilan ang magdesisyon para sa ating lahat? Iyan naman po ang sadya ko sa araw na ito: Liwanagin ang dapat liwanagin, at ituwid ang isyung pilit dinidiskaril ng ilan, upang ang karaniwang tao ay malinawan at makilahok sa usapan.” dagdag pa niya. Agad namang sinagot ni defense counsel at spokesperson Karen Jimeno and mga pasaring ng pangulo laban kay Corona. "Umpisa pa lang po tayo ng paglilitis. Ang prosecution pa lang ang nagbibigay ng ebidensiya," ayon kay Jimeno sa panayam ng GMA News TV's Balitanghali. "Bago tayo maghusga, pakinggan muna natin ang panig ng nasasakdal. Nasa demokrasya pa naman po tayo kaya nga tayo may proseso ng paglilitis," dagdag pa niya. Usapin ng tiwala Sa kanyang pahayag, sinabi rin ni Aquino na ang tanong sa ngayon ay kung karapatdapat pa bang pagkatiwalaan ng taongbayan ang punong mahistrado, at ang sagot umano ay makikita sa mga ebidensyang ipinkikita sa SALN ni Corona. Hindi umano sapat ang pag-file ni Corona ng kanyang SALN, dapat bubusisihin umano ito. Pinuna rin ni Aquino ang "discrepancy" sa mga ari-arian sa SALN ni Corona kumpara sa pera nito sa PSBank at BPI. “Noong 2010, nagdeklara siya ng cash na P3.5 million. Ayon sa mga testimonya ng Pangulo ng PSBank at branch manager ng BPI Ayala, sa tatlong account pa lang na naisiwalat sa impeachment, si Ginoong Corona ay may nakatagong 31.5 million pesos na hindi idineklara,” ayon sa Pangulo.  Ikinuwento ng Pangulo na noong 997, isang nagngangalang Elsa Flores, interpreter sa Davao Regional Trial Court, ang tinanggal sa trabaho dahil sa "violation" of the Republic Act 6713 or Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, dahil hindi niya naideklara sa kanyang income statement ang stall sa palengke na pinagmamay-ari niya. “Sa isang court interpreter, iyan po ang batayan. Magkano po kaya ang upa sa isang puwesto sa palengke? Sa Punong Mahistrado po ba, dapat naiiba? Kung si Ginang Flores po ay sinisante, ano po kaya ang dapat hatol kay Ginoong Corona? Kailangan pa po bang tanungin kung impeachable offense ang ginawa niya?” ani Aquino. 'Wag 'i-execute' si Corona sa publiko Ngunit, ayon naman kay Jimeno, ang mga pahayag ni Aquino ay tila bagang isang judge na ang pangulo sa impeachment trial. "Parang siya rin ang naglilitis. Hindi naman tama iyon at hindi ito makatarungan... Parang binibitay kagad sa publiko," Jimeno said. "Sinasabi naman talaga ni chief justice na ipapaliwanag niya lahat ng nasa SALN niya, lahat ng ari-arian niya pati ang bank accounts niya pero sa tamang panahon," dagdag pa niya. Ayon sa kanya, nirerespeto lamang ng depensa ang alituntunin ng impeachment court ukol sa hindi pagsasalita sa merits ng kaso labas ng korte. "Sana tumigil na ang ganitong pakikialam sa impeachment process dahil lahat tayo ay nasa ilalaim ng Saligang Batas... at mas mapabilis ang proseso, makakabuti ito sa lahat hindi lang sa impeahcment case kundi para sa buong bayan para di na masayang ang pera ng bayan," aniya. Tao ni Arroyo Si Corona ay iniluklok sa Supreme Court ni dating Pangulong gloria Macapagal Arroyo noong April 2002.   Noong 2010, ilang linggo bago bumaba sa puwesto si Arroyo, na-appoint si Corona bilang chief justice sa kabila ng "ban on midnight appointments."   Mula pa noong pagkaluklok ni Aquino bilang pangulo, tutol na ito sa pagkahirang kay Corona bilang punong mahistrado.  Noong December 2011, 188 na kaalyado ni Aquino sa Kamara ang lumagda sa articles of impeachment laban kay Corona, at ang mga batayan ay ang umanoy "betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution at graft and corruption."   Si Corona ay naging spokesperson ni Arroyo at naging chief of staff noong bise presidente palang ang dating pangulo. — LBG, GMA News