Dalagita sa Pangasinan, pinagsaluhan daw ng sariling ama at kuya
Apat na lalaki ang itinuturong humalay sa isang 14-anyos na babae na may sakit sa pag-iisip sa Pangasinan. Kabilang sa mga inakusahan, ang sariling ama at kuya ng biktima. Ayon sa imbestigador na si SP01 Celesta Soriano, ng Manaog- PNP-WCPD, lumitaw sa mediko legal na mentally retarded ang biktima na itinago sa pangalang Nene. “Maaring ginagawa nila yun dahil sinasamantala nila yung kalagayan ng bata,’ pahayag ni Soriano. Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Nene na paulit-ulit siyang hinalay sa kanilang bahay sa Manaoag ng apat na lalaki, kabilang ang kanyang ama at menor-de-edad na kuya. Ang guro umano ni Nene ang nakaalam sa sinapit ng biktima at siya na ang nagsumbong sa pulis. Ngunit dahil sa kondisyon ng pag-iisip ni Nene, hindi nito masabi sa pulisya kung ilang taon na siyang hinahalay. Pero huli umanong may gumalaw sa biktima nitong Pebrero 13. Wala namang kamay-malay ang ina ni Nene sa nangyayari sa anak dahil nagtatrabaho ito sa Maynila. Samantala, mariing itinanggi ng mga suspek ang paratang ng biktima. Sinabi naman ng ama nito na nagulat sila sa ginawang akusasyon ng anak. Ang karamdaman sa pag-iisip ng biktima ang itinuturo nitong dahilan kaya nagawa silang inaakusahan. Bukod sa ama at kapatid, dalawang kapit-bahay ng biktima ang nahaharap sa kasong panghahalay. -- Mike/Daryll/FRJ, GMA News