GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

Impeachment trial vs Corona, ‘di raw tugon sa mga problema ng bansa

February 17, 2012 12:02am
Dismayado ang isang arsobispo ng Simbahang Katoliko sa labis na panahon na ginugugol sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, na hindi naman umano solusyon sa napakaraming problema ng bansa.

Sa panayam ng isang himpilan ng radyo, sinabi Lipa Archbishop Ramon Arguelles, na walang epekto sa mga kumakalam na sikmura ng mga mahihirap ang nagaganap na paglilitis sa punong mahistrado ng Korte Suprema.

“As far as the ordinary people is concerned, ay walang epekto sa kanila ‘yan (impeachment trial). Ang dapat gawin ng pamahalaan ay gumawa at lumikha ng mga programa na makatutulong sa mga mahihirap," pahayag ng arsobispo sa Radyo Veritas nitong Huwebes.

Bukod sa kahirapan, pinuna niya ang ilan pang problema ng bansa gaya ng mahinang ekonomiya, laganap na patayan, at mga biktima ng kalamidad.

Ang mga problemang ito umano ang dapat na pagtuunan ng malaking panahon ng mga pinuno ng bansa sa halip na magsayang ng oras at pera sa impeachment trial.

“Dapat yung time nila at money ng bansa na iginugugol sa impeachment trial ay igugol na lamang sa pagpapaangat sa buhay ng mga mahihirap," ayon kay Arguelles.

“Concern ng mga tao ang kanilang next meal at ‘di ang trial na ‘yan. Sana itong pangyayaring ito ay ipadaan na lang sa ibang forum. Hindi naman ito sa impeachment court kailangan," dagdag ng lider ng Simbahan.

Dati nang ipinaliwanag ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, ang kahalagahan ng paglilitis kay Corona na bahagi ng kampanya ng pamahalaan para sa tapat na pamamahala.

Si Corona ay inaakusahan ng House prosecution team na nagtaksil sa tiwala ng bayan. Kabilang sa mga alegasyon laban sa punong mahistrado ay ang hindi umano nito pagdedeklara ng tunay na halaga ng kanyang mga ari-arian.

Pero kung may nagawa mang kasalanan si Corona sa bayan, sinabi ni Arguelles na dapat itong dalhin sa tamang korte at doon ilabas ang mga mga katibayan para lumitaw ang katotohanan.

“Ang nangyayari ngayon ay hindi naman sila handa, ang prosekusyon. Akala siguro nila magbibitiw ang mama (Corona), eh, hindi," pahayag ng arsobispo.

Naniniwala naman sina Archbishop Emeritus Oscar Cruz at Malolos Bishop Jose Oliveros na bumababa na ang kredibilidad ng impeachment court dahil sa mabagal na usad ng paglilitis.

Pinuna nila na nagga-grandstanding na lang umano ang ibang kasali sa paglilitis at labis din ang paggamit ng teknikalidad sa mga usapin na nagpapabagal lalo sa proseso.-- MP/FRJ, GMA News
We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus