Anne Curtis, tumangging magkomento sa naging pahayag ni Lea Salonga
Mas pinili ni Anne Curtis na manahimik sa naging isyu sa kanila ng Pinay international artist na si Lea Salonga. Nag-ugat ang kontrobersiya nang magbigay ng opinyon si Lea tungkol sa mga “tunay" na singer. Sa ulat ni Rommel R. Llanes na lumabas sa Philippine Entertainment Portal nitong Biyernes, sinabing umiling lang si Anne at nakiusap na hindi na siya sasagot tungkol sa nasabing isyu. "I'm not gonna comment about it. Sorry," pahayag umano ni Anne sa presscon na ginawa nitong Huwebes, matapos siyang ipakilala bilang bagong celebrity endorser ng Century Tuna. Una rito, napabalita na nagpasaring umano si Lea kay Anne nang magkomento ang una sa mga nagtatanghal at kumakanta kahit hindi naman talaga tunay na singer. Kamakailan lang ay naging matagumpay ang “concert" ni Anne na ginawa sa Smart Araneta na tinawag na “Annebisyosa." Bunga ng naturang kontrobersiya, nakatanggap ng mga pagbatikos si Lea mula sa mga tagahanga ni Anne. Pero itinanggi na ni Lea ang naturang balita at nagbigay din ng paglilinaw ang news website na unang naglathala tungkol sa nasabing isyu. (Basahin: Lea Salonga, may panawagan tungkol sa naging 'isyu' kay Anne Curtis) Muli namang iginiit ni Anne na siya ay isang “performer" at hindi isang “singer". Nang tanungin si Anne kung magkakaroon ng repeat ang kanyang concert, sinabi nito na walang repeat pero tuloy ang world tour. - FRJimenez, GMA News