GMA News Online Ulat Filipino » Iloilo

Sen Estrada, posibleng nabigyan ng kulang na impormasyon, ayon sa ex- Iloilo vice gov

February 17, 2012 10:14pm
Sinabi ng dating bise gobernador ng Iloilo na si Roberto Armada na nagulat siya nang masangkot ang kanyang pamilya sa ginaganap na impeachment trial ng Senado kay Chief Justice Renato Corona.

Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, inamin ni Armada na pinsan niya ang isa sa mga testigo ng prosekusyon sa impeachment na si PSBank Katipunan branch manager Annabelle Tiongson.

Gayunman, sinabi ni Armada na hindi kilala ni Tiongson si Iloilo Rep Niel Tupas, na tumatayong lider ng House prosecutor na umuusig kay Corona.

Sinabi ng dating bise gobernador na first cousin niya ang opisyal ng bangko pero matagal na niya itong hindi nakikita.

Nitong Miyerkules, iginiit ni Sen Jinggoy Estrada na may pulitikal na ugnayan ang pamilya ni Tiongson sa pamilya ni Tupas sa Iloilo.

Ipinahiwatig ng senador na ang naturang ugnayan ang posibleng naging dahilan kaya nakakuha ng mga impormasyon ang prosekusyon tungkol sa mga bank accounts ni Corona.

Pero paniwala ni Armada, maaaring kulang ang impormasyon na ibinigay kay Estrada at pinag-ugnay-ugnay na lamang ang kanilang mga pamilya hanggang sa nagkaroon ng malisya.

Pinabulaanan din ni Tupas na kilala niya si Tiongson at iginiit na unang pagkakataon na nakita niya ang bank official sa pagdinig ng kaso ni Corona.

Inihayag naman ni Tiongson na wala siyang hilig sa pulitika sa kanilang lalawigan at hindi niya kilala si Tupas. -- FRJ, GMA News