Tula: Naburang guhit ng larawang-diwa, simulakrang abot-tanaw
E. San Juan, Jr.
Halina't maupo dito sa harap ng punong pino sa may durungawan.
Di nasaling ng nagmamadaling takbo ng daigdig ang pusong namamahinga.
Halika't magnilay tayo sa panahong dumadaloy, magmuni-muni sa karanasan
at pangyayaring
umaatikabong humahabol sa daluyong ng trapik sa labas.
Sa silangan, may umuusad at lumalagitik na aninong di ko mahulo...
Sa kanluran, may anasan ng umiihip na hanging di ko alam kung saan galing...
Walang daan sa harap...
Iyon ay mga bakas lamang ng aking paa.
Nakahuhumaling humimpil sa silid na ito, di ba? Ngunit
Kung nais mong magpatuloy, sige, huwag magpaabot ng dilim— hayo na!
Ang hakbang mo ang lilikha ng landas—
landas na hinihiwa ng tutubi
at sinusukat ng pakpak ng paruparo.
We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus
advertisement
advertisement
advertisement

