Dahil sa tinatawag na ‘Neap Tide’: Fishkill sa Dagupan City, pinangangambahan
Halos walang nagaganap na paggalaw sa tubig sa mga ilog sa lungsod ng Dagupan dahil sa nalalapit na “Neap Tide" o ang tinatawag na “alaal" sa Pangasinan. Inaasahang sa Pebrero 23 hanggang 28, ang pinakamababang pag-alon sa mga ilog ay nasa 0.1meter lang ang taas. Ang naturang senaryo ay posible umanong magdulot ng fish kill. Kaya naman nagpalabas na ng babala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR sa mga mangingisda. “Dangerous kasi ito, hindi maka-penetrate ang ilaw sa tubig, mababa ang oxygen," ayon kay Dagupan City Agriculture Officer Emma Molina. Makadadagdag din umano sa posibilidad ng fish kill ang makulimlim na panahon ngayon sa lungsod. Kapag hindi raw kasi nakakapasok ang sikat ng araw sa tubig, bumababa ang produksyon ng dissolved oxygen na siyang nagdudulot ng pagbagal ng metabolismo ng mga isda. Kung sosobra ang pakain sa mga isda, makasasama rin ito sa kondisyon ng tubig para sa mga isda na maaari nilang ikamatay. Bagamat wala pang naitatalang fish kill sa mga palaisdaan sa lungsod, kumaunti na ang suplay ng bangus na ibinabagsak sa Magsaysay fish market. Nagtaas na rin ng presyo ang mga panindang isda. Mula sa dating P80, umabot na sa P115 ang kada kilo ng magandang klase ng bangus. “We cannot control the price kasi ganoon talaga at hindi natin maiwasan na sinasabi ng mga taga-Lucao may quality daw ang bangus nila,"ayon kay Molina. – JFArcellana/ GLCalicdan/FRJ, GMA News