ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Umano'y maruming gawaan ng boneless bangus sa Dagupan City, sinalakay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sinalakay ng mga kawani ng Sanitation Division ng City Health Office ang umano’y patagong bangus “deboning" area sa Dagupan City, Pangasinan. Sa naturang pagsalakay sa Sitio Babaliwan, Poblacion Oeste, Dagupan City, tumambad sa mga operatiba ang banye-banyerang bangus na tinatanggalan ng tinik. Nabahala ang Sanitation Division dahil ginagawa ang naturang pag-alis ng tinik sa mga bangus malapit sa maruming daluyan ng tubig. Agad namang nagpakita ng sanitation permit ang may-aring si Jocel Robosa. Iginiit nito na malinis ang paraan ng kanilang operasyon sa pag-alis ng tinik, at sila mismo ay kumakain ng kanilang produkto. Pero nanindigan ang mga awtoridad na dapat idagdag sa kanilang permit ang deboning ng bangus. Namataan din na nasa kanang bahagi ng deboning area ang kanal ng mga kabahayan. “Contamination hindi mo naman masasabi ang mga insekto," pahayag ni Imelda Bustamante ng Sanitation Division. Wala ring suot na hair-net ang mga bangus deboner nang sitahin sila ng mga kinatawan ng Sanitation division. Umabot sa pitong banyera ng bangus na tinatayang aabot sa 470 pirasong boneless bangus ang kinumpiska ng mga kinatawan ng sanitation division. –JFArcellana/GLCalicdan/FRJ, GMA News

Tags: bangus, dagupan