GMA News Online Ulat Filipino » Talakayan

Panahon at lugar ng pakikibaka: Makabagong parabula

February 22, 2012 5:38pm
E. San Juan, Jr.
Sa bunto't ng barikada nagtago tayo't kumalas...
Maalikabok sa lansangang tinahak at tinalunton—
(Sariwa pa ang gunita ko hanggang ngayon)

Sino'ng humahabol sa atin?

Nakadikit ang kaluluwa't laman, kinulapulan ng libag
    at pawis at usok ng Molotov cocktail at tear gas...
Walang tubig sa bato walang awa ang isinumpang lugar
na ito---walang pakialam o panghihimasok...

Ahas na gumagapang sa bitak...
May bukal kaya sa singit ng mga bato?
Lagaslas ng bukal huni ng ibon sa sangang nakalupaypay


Sino'ng sumusunod sa atin? Dinig mo ba ang yabag?

Nagtatakbo tayo palayo sa panganib, palayo sa kilabot
Umurong sa madlang humugos sa Plaza, umatras
ngunit lumingon sa magkabila, maingat...

Di ba ikaw at ako lamang ang tumakas, walang iba pa,
         ngunit sino 'yang humahangos sa tabi mo?

Anong hayup ang gumagapang sa bitak?
Hindi patak ng ulan o kaluskos ng bayawak sa muhon
Hindi lagaslas ng batis o awit ng talahib na sinusuklay ng
         mabiyayang daliri ng hangin...


Tumiwalag tayo sa hanay ng barikada, akala nati'y
       walang susubaybay o hahagilap
Dito'y walang tinig ng pagsaklolo kundi taghoy ng kuliglig
Walang daing o iyak o panangis

Walang tubig sa biyak ng pader o batis sa nakabukang
          burol

Nang tumingala ako'y nasulyapan ko ang dulo ng landas...
Sa tabi ng muhon naghihintay ang aninong may putikang
            pangdong--

Anong hayup ang lumukso sa bitak?
Nabulabog ang mga uwak sa gilid ng parang
Walang tubig doon sa matahimik na alambreng bakod...
Walang imik o ungol sa likod ng natuyo't nabuwal na mga
            punong-kahoy...


Walang kamay na mag-aabot ng kapirasong tinapay.

Sinong naglalakad ang umaantabay sa atin?
May saplot sa mukha, nakabalatkayo, bitbit ang putikang
           pandong--
Di ko batid kung babae o lalaki, o binalaki—

Lagaslas ng ulan   agos ng ilog   alingawngaw ng alon sa
                       dalampasigan—


Sino 'yang naglalakad sa kabilang tabi mo?
Sinong kasama natin ang tumakbo't tumakas din upang
           tayo'y matagpuan dito, kaakbay at kabalikat?

Nagmamadaling araw na noon (natatandaan ko pa) nang
       tayo'y lumuhod at humalik sa tigang na lupa
                     nagpapasalamat
       na umabot din—

              awa ng armadong Birhen! --

                                        sa napagkasunduang tipanan.
              
We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus