GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

Head ng fraternity na nadawit sa hazing death, humarap sa NBI

February 23, 2012 1:42pm
Humarap na ang pinakamataas na opisyal ng Lambda Rho Beta fraternity sa National Bureau of Investigation (NBI) upang "makipagtulungan" sa imbestigasyon sa pagkamatay ng isang estudyante ng San Beda College dahil umano sa hazing.

Sa kabila nito, inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima na hindi pa maituturing na suspek si Grand Rhoan Eduardo Escobal II sa pagkamatay ng freshman law student na si Marvin Reglos.

"At this moment, he is not yet a suspect so he is not being treated as a suspect but he will be subjected to questioning by investigators," ani De Lima.  Ipinaliwanag din niya na hindi inaresto si Escobal.

Ayon kay De Lima, nakatakda na ring humarap ang tatlo pang ibang miyembro ng Lambda Rho Beta ngayong Huwebes o sa susunod na araw upang magbigay-liwanag sa insidente.

Kasama ni Escovel sa pagharap sa NBI ay ang kanyang mga abugadong sina Redemberto Villanueva at Ariel Radovan. Si Villanueva ay dating legal counsel ng Maguindanao massacre suspek na si Rizaldy "Zaldy" Ampatuan.

Naging laman ng mga balita ang fraternity dahil sa pagkamatay ng 25-taon-gulang na si Reglos noong Linggo, matapos umano ito sumailalim sa initiation rights ng grupo na ginanap sa Antipolo, Rizal.

Dumulog ang ama at kapatid ng biktima kay De Lima noong Miyerkules upang humingi ng tulong sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Marvin.

Bilang tugon, ipinag-utos ng Justice secretary na magsagawa ng parallel probe sa insidente. Inutos niya sa NBI, attached agency ng DOJ, ang re-autopsy sa bangkay.

Ang Philippine National Police ang namumuno sa imbestigasyon sa insidente.

Sa kanyang inihandang statement, inihayag ni Radovan, tumatayong "temporary spokesperson" ng fraternity, na kinokondema ng Lambda Rho Beta ang pagkamatay ni Reglos.

Aniya, magbibigay ng financial assistance ang grupo sa pamilya ng biktima.

"Lambda Rho Beta does not tolerate hazing. We denounce hazing or any barbaric act," ani Radovan.

Counterpart ng Lambda Rho Beta fraternity ang Lambda Rho Sigma sorority, na co-founded ni De Lima, ng San Beda Law.

Nangako na ang San Beda College of Law na makikipagtulungan sa imbestigasyon. Dagdag pa nito, magsasagawa na rin ang pamantasan ng sarili nitong imbestigasyon.

"The San Beda College of Law seems to be quiet in the middle of this tragedy but rest assured that San Beda College of Law does not toil on half-baked justice. The San Beda College of Law condemns this unlawful and dreadful act of violence," ayon sa pahayag ng San Beda. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News
We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus