Not guilty plea ni Arroyo hindi ikinagulat ng Comelec
Hindi ikinagulat ni Commission on Elections (Comelec) chairman Sixto Brillantes ang paghain ng not guilty plea ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kaso nitong electoral sabotage dahil tiwala sila na malakas ang kanilang kaso. "We expected [that] she will plead not guilty. Dapat naman. Kung umamin siya tuluy-tuloy na siya sa kulungan," ani Brillantes sa GMA News Online sa isang panayam sa Senado. Magugunitang sinampahan ng kasong electoral sabotage si Gng. Arroyo dahil sa sinasabing naganap na dayaan noong 2007 midterm elections kung saan nakinabang umano ang ilang senatorial candidates na kaalyado niya. Ayon kay Brillantes, malakas ang kanyang loob na kanilang maipapanalo ang kaso. "Hindi naman kami nag-file ng mahinang case, ready na kami, we're prepared for the trial," aniya. Inihayag naman ni Senator Aquillino "Koko" Pimentel III, isa sa mga nag-akusa kay Gng. Arroyo ng pandaraya sa election, na mahihirapan ang dating Pangulo na maipanalo ang kaso dahil may “eyewitness” ang prosekusyon. Dumalo si Brillantes sa Senado upang dinigin ang mga problemang naganap noong 2010 elections. Sa panayam, kanyang inihayag na kasalakuyan na nilang sinisimulan ang pagtatalaga ng reporma para sa 2013 midterm elections. Aniya, maglalabas sila ng isang resolusyon na magpapabuti sa mga patakaran sa party-list participation at ang iba pang mga campaign expenditure ng mga kandidato. Dagdag nito, kanilang sisimulan ang period ng filing of certificates ng mga kandidato sa darating na Oktubre 1, 2012. Samantala, ayon kay Brillantes, hindi pa nila napagdedesisyunan kung bibili sila o kanilang uupahan ang 40,000 na voting machines mula sa poll machine supplier na Smartmatic, ang nag-supply sa Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines noong 2010 elections. Aniya, nakadepende ito sa pondo na makukuha nila mula sa gobyerno. Samantala, tiwala si Brillantes malulutas ang lahat ng mga isyu. "We still have more than one year to prepare for the may 2013 elections," aniya. – Amanda Fernandez/KBK, GMA News