ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Inilibing na salvage ‘victim’ sa Pangasinan, 'nabuhay'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mistulang nakakita ng multo ang mga residente sa Barangay Quintong, San Carlos city, Pangasinan nang makitang buhay ang isang 25-anyos na lalaki na inakala nilang inilibing nila ilang araw na ang nakakaraan. Pebrero 10, 2011, nang makita ang isang bangkay ng lalaki na pinapaniwalaang biktima ng salvage sa bayan ng Binalonan. Dahil sa nakitang pilat sa kaliwang dibdib ng biktima, hugis ng binti at pagkakahawig sa mukha (na hindi na makilala), ito ang naging basehan ni Gng. Leonarda Soriano, para angkinin ang bangkay na kanyang 25-anyos na anak na si Jasper Soriano. Huli raw nakita ni Gng Soriano ang kanyang anak na si Jasper noong Pebrero 2. Matapos iyakan at paglamayan ang salvage victim, inilibing ang bangkay at inilagay sa lapida nito ang pangalang Jasper Soriano. Pero laking gulat ng pamilya Soriano at mga kapit-bahay nila nang magbalik si Jasper sa kanilang bahay – buhay na buhay. Napag-alaman na hindi kumbinsido si Ruby Oria, kinakasama ni Jasper, na patay na ito kaya nagtanong-tanong sa mga lugar na posibleng pinuntahan nito. Nakarating siya sa Nueva Ecija at doon niya nakita si Jasper na buhay. “Pinagsusuntok ko siya, sinampal nga niya ako para matauhan," kwento ni Oria. Paliwanag ni Jasper, wala raw siyang cellphone at pera kaya hindi siya nakatawag at makauwi. Ikinagulat din niya ang nangyaring pagpapalibing sa maling Jasper. Kaagad niyang tinungo ang sementeryo kung saan inilibing ang salvage victim at nakita niyang nakalagay ang kanyang pangalan sa lapida. Dahil sa pagbabalik ni Jasper, labis ang kasiyahan ni Gng Soriano kahit pa inakala niyang patay na ang anak. Ayon naman sa pulisya ng San Carlos City, ipinaalam na nila ang maling pagtukoy sa salvage victim sa Binalonan police na siyang may hawak sa kaso. “Just in case may mag-claim pwedeng puntahan sa sementeryo…" ayon kay police senior inspector Resty Ventinilla, San Carlos City police. -- SHella/Ron/FRJ, GMA News