Lacson, gusto nang makipag-ayos kay Erap
Inihayag ni Sen Panfilo Lacson nitong Martes ang hangarin niyang makipagkasundo na kay dating Pangulong Joseph Estrada, na nakaalitan niya may tatlong taon na ang nakalilipas. "Ako [ang] nag-initiate. Sabi ko I want to make peace with him. After all, tuwing maalala ko pinagdaanan namin noong araw marami kaming hirap na nagdaan... it’s about time siguro kalimutan whatever animosities na nagkaroon kami," paliwanag ni Lacson sa mga mamamahayag. Inamin ni Lacson na nanunumbalik ang mga pinagdaanan nila ni Estrada kapag nakikita niya ito sa telebisyon. "Nagfa-flashback sa akin ang samahan namin noong araw, kasama kami sa ambush sa Sto. Tomas, noong VP siya. I was his Task Force Habagat chief sa PACC, all the way hanggang maging presidente siya," pagbabalik-tanaw ng senador. "[So] I want to make peace with him. Kung may pagkakataon, sooner or later na magkaroon ng pag-uusap, it’s fine," dagdag niya. Sa hiwalay na panayam ni Pia Arcangel, news anchor ng Balitanghali ng GMA News TV nitong Martes, sinabi ni Estrada na bukas din siya sa pakikipag-usap kay Lacson. Idinagdag ni Estrada na hindi na kailangang maging tulay pa ni Lacson ang kanyang anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada. "Hindi na kailangan ang tulay... anytime, kung kailan niya [Lacson] gusto [kaming magkita]... maluwag naman ang aking kalooban. Meron naman kaming pinagsamahan," paliwanag ng nakatatandang Estrada. Dacer-Corbito case Noong 2009, tumayo sa plenaryo ng Senado si Lacson upang magtalumpati matapos siyang masangkot sa pagpatay sa publicist na si Salvador “Bubby" Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito noong 2000. Sa naturang talumpati, mariing itinanggi ni Lacson ang alegasyon na may nalalaman siya sa kaso. Sa halip, idinawit niya sa kaso si Estrada na nakaupong pangulo nang paslangin sina Dacer at Corbito. Si Lacson ay nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) noong panahon ni Estrada at naging pinuno rin ng PAOCTF (Presidential Anti-Organized Crime Task Force) na itinuturong dumukot at pumatay kina Dacer at Corbito. Noong nakaraang taon, ibinasura ng Court of Appeals ang kasong double murder na isinampa ng Department of Justice laban kay Lacson. Nauna na ring itinanggi ni Estrada na may kinalaman siya sa pagpatay kina Dacer at Corbito. Noong nakaraang taon, sinabi ni Estrada na napatawad na niya si Lacson sa mga binitiwan nitong salita laban sa kanya. Inamin naman ni Lacson nitong Martes na nagalit siya kay Estrada nang magpahiwatig ang dating pangulo na may kinalaman siya naganap na karumal-dumal na krimen. "Doon ako napikon, and I took the floor on a matter of personal privilege to clear the air, na ilabas ang katotohanan, wala akong kinalaman. Doon ako medyo napikon sa kanya, pwede naman niya i-deny on his own, bakit kailangan magturo siya? Alam naman niyang doon ako nagkamalas-malas," paliwanag ni Lacson. — FRJ, GMA News