Dating DAR Sec. ‘Boy’ Morales, pumanaw na
Pumanaw na si dating Agrarian Reform (DAR) Secretary Horacio “Boy" Morales, ayon sa ulat ng GMA News TV Live nitong Miyerkules ng gabi. Sinabi sa ulat na mismong si dating Pangulong Joseph Estrada ang nagkumpirma sa pagpanaw ni Morales nitong Miyerkules ng hapon habang nakaratay sa Philippine Heart Center sa Quezon City. Si Morales, 86 anyos, ay naging kalihim ng DAR sa ilalim ng termino ni Estrada. Naging presidente rin si Morales ng partido ni Estrada na Puwersa ng Masang Pilipino (PMP), at naging campaign strategist ng dating pangulo para manalo sa 1998 presidential elections. Noong 1987 elections ay kumandidato siyang senador sa ilalim ng Partido ng Bayan pero natalo. Napabilang din siya sa Ten Outstanding Young Men of the Philippines (TOYM) awardees noong 1977. Si Morales ay inatake sa puso habang nasa Baguio City noong Disyembre 2011. Mula noon ay nanatili na siya ospital hanggang sa bawian ng buhay. Ilalagak ang mga labi ni Morales sa Loyola Memorial Park sa Marikina. - FRJimenez, GMA News