Hidwaan nina Annabelle Rama at Ms Wilma Galvante, natapos na
Tuluyan nang natuldukan ang may tatlong taong hidwaan nina dating GMA 7 executive Ms Wilma Galvante at talent manager na si Annabelle Rama. Ito ay matapos dumating si Annabelle sa birthday celebration ni Ms Wilma sa isang hotel sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi. Sa ulat ni showbiz reporter Cata Tibayan sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes, sinabi nito na star studded ang 60th birthday celebration ni Ms Wilma, na kaka-retire pa lang bilang senior vice president for television ng GMA Network. Kabilang sa mga dumalo sa okasyon ay ang mag-asawang Regine at Ogie Alcasid, Micheal V., Janno Gibbs, Jaya, Dingdong Dantes at Marian Rivera, Congressman Manny Pacquiao, Mel Tiangco, Mike Enriquez at GMA Films President Annette Gozon-Abrogar. Pero ang pinaka-inabangan umano ay ang pagdating ni Annabelle na ilang beses nakademandahan ni Ms Wilma sa kasong libelo. Pagdating, kaagad na lumapit si Annabelle kay Ms Wilma para bumati. Kinalimutan na raw niya ang naging alitan nila ng dating opisyal ng Kapuso Network. “Te-text kita dahil nagpasalamat ako kundi dahil sa’yo walang Raymond (Gutierrez) sa showbiz…,’ pahayag ni Annabelle na nagsabing iimbitahan niya sa bahay si Ms Wilma para mag-diner. “I’m glad that Annabelle is here tonight to greet me and make peace," ayon naman kay Ms Wilma. Lubos naman ang kasiyahan ng Regal Film producer na si Lily Monteverde na siyang naging tulay sa pagbabati ng dalawa. Matapos magretiro, sinabi ni Ms Wilma na plano niyang magtayo ng film at television academy para maipagpapatuloy ang kanyang serbisyo sa industriya. – FRJimenez, GMA News