Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Jose Manalo and Wally Bayola now 'certified concert artists'

March 3, 2012 1:45pm
"Certified concert artists."

Ito ang titulong iginawad kina Jose Manalo at Wally Bayola matapos nilang mapuno ang Smart-Araneta Coliseum nitong Biyernes ng gabi, March 2, para sa kauna-unahan nilang major concert—ang Jose And Wally Show: A Party For Juan And All.

Paboritong venue ang Big Dome ng pinakamalalaking concerts sa Pilipinas—mapa-local man o foreign artists.

Pero dinaig pa nina Jose at Wally ang ilan sa malalaking pangalan sa music industry sa dami ng taong dumagsa sa Araneta Coliseum kagabi.

Punumpuno ang loob ng Big Dome mula Patron hanggang sa Bleachers sections. Naging SRO din ang venue dahil napakarami ng mga taong nakuntento na lang tumayo dahil wala nang silyang maupuan.

Napag-alaman ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na soldout ang lahat ng tickets. Pero sa dami pa ng mga taong gustong manood ng concert ay naglabas sila ng karagdagang tickets—yun nga lang ay hindi siguradong makakaupo sila.

Hindi naman binigo ng dynamic comic duo ang pulu-pulutong ng mga taong nanood sa kanila dahil napuno rin ng tawanan at kasiyahan ang kanilang concert.

CONCERT PERFORMERS. Sinimulan nina Jose at Wally ang kanilang concert sa pamamagitan ng medley ng mga awiting "Ang Tipo Kong Lalake," "I'm Sexy And I Know It," at "I'm Too Sexy."

Sinundan nila ito ng isa pang fast number, "Time of My Life"/"Tayo'y Magsayawan"/"Party Rock Anthem" medley, kung saan 'sangkaterbang batang dancers ang pumalibot sa Patron section ng Big Dome, kasama ang sexy actress-singer na si Solenn Heussaff.

Sa isang bahagi ng programa ay ipinamalas naman nina Jose at Wally ang kanilang talento sa pagsayaw.

Sa kaso ni Wally ay nakipag-showdown siya kay Ciara Sotto sa pole dancing cum buwis-buhay dance number nila.

Habang bumibitin si Ciara sa pole ay hinahagis-hagis naman sa ere si Wally.

Hindi rin naman nagpahuli si Jose na nagpakitang-gilas sa kanyang Michael Jackson dance moves.

Bukod sa kanilang husay sa pagkanta at pagsayaw, hindi siyempre mawawala sa programa ang talagang forte ng dalawa—ang pagpapatawa.

Sumakit ang tiyan ng marami sa kakatawa dahil kanilang kakaibang version ng "Anak" ni Freddie Aguilar.

Habang iniisa-isa ni Jose ang lyrics ng kanta ay ini-interpret naman ito ni Wally sa pamamagitan ng pagmumuwestra ng mga salitang nasa lyrics.

GUEST PERFORMERS. Bukod kina Solenn at Ciara, suportado rin ang concert nina Jose at Wally ng ilan sa pinakamalalaking pangalan sa industriya.

Unang nag-perform kasama ng dalawa ang Asia's Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid.

Pagkatapos ng kanyang medley ng birit songs ay sinamahan si Regine nina Jose at Wally, bilang Ogie Alcasid at Janno Gibbs, sa mga kantang "Magkasuyo" at "Hanggang Ngayon."

Kinilig naman ang marami sa audience sa pagsulpot ng Kapuso hunks na sina Dennis Trillo at Aljur Abrenica—na "younger versions" daw nina Wally at Jose.

Nabigyan din ng pagkakataon ang audience na makapagpa-picture kay Dennis sa halagang piso; samantalang nahalikan naman ng ilang kababaihan ang topless na si Aljur kapalit ng beinte pesos.

Isang masayang guitar session naman ang number ni Aiza Seguerra habang inaawit niya ang "Mangarap Ka."

Habang kumakanta si Aiza ay ipinapakita sa screen ang mga larawan nina Jose at Wally noong mga ordinaryong tao pa lang sila na nangangarap maabot ang kanilang mga pangarap.

Humagalpak na naman sa kakatawa ang mga tao nang lumabas sa stage ang Comedy Concert Queen na si Ai-Ai delas Alas.

Comedy skit ang ginawa ni Ai-Ai kasama sina Jose at Wally, kung saan "nagpahipo" ang dalawang Dabarkads gaya ng madalas na ginagawa ng komedyana sa mga concerts niya.

Nagkaroon din ng special appearance ang kasamahan nina Jose at Wally sa Eat Bulaga! na si Paolo Ballesteros, bilang "Shamcey Mwah Mwah Tsup Tsup Happy Birthday Bossing."

Isa naman sa pinaka-pinalakpakan ang musical number ni Wally kasama ang kanyang idolo na si Gary Valenciano.

Kinanta ng dalawa ang ilan sa mga pinasikat na kanta ni Gary: "Di Bale Na Lang," "Hataw Na," at "Shout."

Kuhang-kuha ni Wally ang pagkanta, pagsayaw, at maging ang mannerisms ni Gary habang nagpe-perform at nagsasalita.

Bentang-benta sa audience ang "paghinga" ni Wally na ala-Gary V.

Pagkatapos ng kanilang number ay naiwan sa stage si Gary para awitin ang kanyang hit song na "Sana Maulit Muli."

Pero siyempre, hindi makukumpleto ang gabi kung wala ang "Manager" nina Jose at Wally—si Bossing Vic Sotto.

Si Bossing kasi ang nagsilbing instrumento sa pagiging performers ng dalawa sa Eat Bulaga!. At tinatanaw nila itong malaking utang na loob.

At dahil nandun si Bossing, hindi siyempre mawawala ang kinagigiliwang "Sing A Song" number nila ni Jose.

Sa umpisa, akala ng lahat ay "Jump" ang kakantahin nila pero nauwi rin ito sa madalas nilang kinakanta sa Eat Bulaga!.

Pagkatapos "paalisin" ni Vic si Jose sa stage ay binanatan naman ni Bossing ang "Someone Like You" ni Adele habang naggigitara.

Itinuluy-tuloy na ni Bossing kanyang paggigitara nang tawagin niya ang "pinakamamahal" niyang Jose—walang iba kundi si Joey de Leon!

Medley ng mga pilyong awitin ang ginawa nina Vic at Joey kunsaan nag-participate din ang audience.

GETTING EMOTIONAL. Hindi naman napigilan nina Jose at Wally ang maging emosyunal nang bigyan sila ni Vic ng "call slip."

Pagkatapos kasi nito ay ipinalabas ang isang video clip na teaser ng pagbibidahang pelikula nina Jose at Wally—ang Akin Ang Pritil, Iyo Ang Bangkusay.

Sabi nga ng comic duo, pagkatapos ng concert ay pelikula naman ang susunod na aabangan sa kanila ng mga manonood.

Lalong naging emosyunal ang dalawa nang pasalamatan nila ang lahat ng mga taong may kinalaman sa kanilang concert, lalo na ang napakaraming tao na nagpunta sa Big Dome upang panoorin sila.

Bagamat halatang pinipigil ang kanilang mga damdamin ay bigay-todo naman sina Jose at Wally sa pagkanta ng "Kailangan Kita."

Para naman sa kanilang encore ay nag-medley sila ng mga kantang "Macho Gwapito," "Moves Like Jagger," at "Macho Man."

CELEBRITIES IN THE AUDIENCE. Halos kumpleto ang Dabarkads nina Jose at Wally sa Eat Bulaga!—sina Allan K, Keempee de Leon, Pauleen Luna, Julia Clarete, Ruby Rodriguez, Daiana Menezes, Jimmy Santos, at Ryan Agoncillo.

Kasama ni Ryan ang kanyang misis na si Judy Ann Santos.

Hindi lamang si Juday ang Kapamilya star na nanood ng concert dahil naroon din ang hosts ng dating katapat na programa ng Eat Bulaga! na Happy Yipee Yehey!—sina Toni Goznaga at Pokwang.

Kasama ni Toni ang kanyang nobyong si Paul Soriano at ang kapatid na si Alex Gonzaga, na taga-TV5 naman.

Kasama ni Pokwang ang kapwa niyang comedian na si John "Sweet" Lapus ng GMA-7.

Ilan pa sa namataan ng PEP sa audience ay sina Arnold Clavio, Louie Ignacio, June Rufino, Dolor Guevarra, at Redgie Magno. -- Erwin Santiago, PEP



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus