Gobyerno, nangakong magiging patas sa paglatag ng mining policy
Sa gitna ng mainit na diskusyon ukol sa isyu ng mining, nangako ang Malacañang nitong Sabado sa mga mining firms at environmental advocates na magiging patas ito sa pagbuo ng mga polisiya sa pagmimina sa bansa. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, kanilang ilalagay sa konsiderasyon ang mainit na diskusyong naganap sa isang mining forum noong Biyernes. “Yung ating gobyerno lulugar, nakita natin kahapon [Friday] the passions are running very high. It shows us gaano kakomplikado ang issue ng mining," kanyang inihayag sa government-run dzRB radio. Naniniwala ang mga miyembro ng mining industry na ang "responsableng" mining ay isa sa mga sagot sa kahirapan ngunit taliwas naman ang paniniwala ng mga environmentalist sapagkat nasisira lamang umano ng pagmimina ang kalikasan. Naging mainit ang diskusyon sa paghaharap nina business magnate at Philex Mining Corp. Manny Pangilinan at ABS-CBN Foundation Inc. managing director Regina Lopez sa isang mining forum nitong Biyernes. Ayon kay Valte, kanilang pag-aralan ang mga inihayag ng mga stakeholder, kabilang na ang mga mula sa pro- at anti-mining groups, business sector at environmentalists. Dagdag pa niya, patuloy na magsasagawa ng konsultasyon ang gobyerno sa ilang stakeholders. “Seeing that emotions are running high and stakeholders are weighing in, government has to come up with a policy that is fair to all,” aniya. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News