6 katao patay, 3 sugatan: Madugong holdap at hostage-taking sa Davao del Norte
Kabilang ang dalawang suspek, isang pulis at isang hostage victim sa anim na nasawi sa madugong holdap at hostage-taking na naganap sa Panabo, Davao del Norte. Sa ulat ng GMA News TV Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing nagsimula ang insidente nang holdapin ng dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo ang tanggapan ng isang negosyante. Sa bukana pa lang ng establisimyento ay binaril na umano ng mga suspek at napatay ang nakatalagang security guard. Kinuha ng mga suspek ang tinatayang P1 milyon pera sa tanggapan at tinangay na hostage ang negosyanteng babae at 15-anyos na babae na bumisita sa tanggapan. Ginamit ng mga suspek na get-away vehicle ang SUV ng negosyante. Pero bago umalis, binaril at napatay din ng mga suspek ang drayber ng negosyante. Sa kalye, inabutan ng mga rumesponding pulis ang mga suspek kasama ang dalawang hostage nila. Nagkaroon ng barilin at nasawi ang pulis na si Police Senior Inspector Rene Alampay. Nasawi rin ang dalagitang hostage victim na si Irene Pilotos, at ang dalawang suspek na ang isa ay nakilalang si Dexter Marcillones. Sugatan naman ang negosyanteng hostage victim at dalawa pa niyang trabahador. Hinihinala ng mga imbestigador na miyembro ng organisadong grupo ng mga kriminal ang dalawang suspek. Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng pulisya. -- Hadjie Rieta/FRJ, GMA News