ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nag-iisang anak ng OFW, patay nang nasagasaan sa Bataan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang batang lalaki na anak ng overseas Filipino worker (OFW) ang nasawi matapos na masagasaan ng isang van sa Abucay, Bataan nitong Martes ng hapon. Ayon kay Senior Supt. Ricardo Zapata, director ng Bataan police, namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktimang si Francis Navarro, 9-anyos, Grade 4, at nakatira sa barangay Calaylayan, Abucay. Lumitaw sa imbestigasyon na tumatawid ang biktima nang mabundol ng van na minamaneho ni Maria Theresa Serafica, 40-anyos, ng Tugatog, Orani, Bataan. Hinihinala ng pulisya na nabigla at nagulat si Serafica sa pangyayari kaya hindi kaagad ito nakapagpreno at nakaladkad pa ang bata. Naisugod pa si Navarro sa Isaac and Catalina Medical Center sa Balanga City ngunit makalipas ang ilang minuto ay pumanaw na ito. Napag-alaman na ang lolo at lola lamang ang kasama ni Navarro sa kanilang bahay dahil ang kanyang ama na si Froilan Navarro ay nagtatrabaho sa Qatar. Nag-iisang anak lamang umano ang biktima kaya nagtitiis ang ama nito na mawalay sa kanya at nagtrabaho sa ibang bansa para mabigyan siya ng magandang buhay, ayon sa lolo ng bata. Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang babaing may-ari at drayber ng van. -- Ernie Esconde/FRJ, GMA News