ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dengue cases sa Iloilo City, tumaas; batang babae, patay sa sakit


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang batang babae na tatanggap sana ng karangalan bilang first honor sa klase ang nasawi dahil sa sakit na dengue sa Iloilo City. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, sinabing tumaas ang bilang ng mga nagkakasakit ng dengue sa lungsod na naitala sa unang dalawang buwan ng 2012. Sinabing nagdadalamhati si Lola Lorita sa pagpanaw ng kanyang apo na si Karen Buendia, 8-anyos, grade two student, at magtatapos sana na first honor sa klase ngayong Marso. Binawian ng buhay si Karen nitong Miyekules sa ospital dahil sa sakit na dengue. Kuwento ng ina ni Karen, una nilang dinala sa health center ang bata noong huling linggo ng Pebrero nang dumaing ito na sumasakit ang tiyan. Bumuti naman ang kalagayan nito kaya iniuwi rin nila sa bahay. Ngunit paglipas ng ilang araw, muling dumaing ng pananakit ng sikmura si Karen at dinala na nila sa ospital. Inakala raw nila noong una na karaniwang sakit lang ang tumama kay Karen at huli na nang malaman nila na dengue ang dumapo sa biktima. Maging ang batang kapit-bahay ni Karen ay ilang linggo na rin umano sa ospital dahil sa dengue. Ang naipong mga tubig dulot ng pag-ulan noong nakaraang buwan ang hinihinalang dahilan kaya tumaas ang kaso ng dengue sa lungsod. Mula Enero hanggang Pebrero 25 ngayon 2012, umabot na sa 99 ang kaso ng dengue sa Iloilo City, tatlo dito ang namatay. Ang naturang bilang ay mas mataas sa 66 na kaso ng dengue na naitala sa parehong panahon noong 2011. Mahigpit naman ang payo ng opisyal ng local health office sa publiko na kaagad magpatingin sa duktor kapag may masamang naramdaman sa kanilang katawan, gaya ng lagnat at pananakit ng sikmura. - FRJ, GMA News

Tags: dengue, iloilo