Kwentong Kapuso: Mahirap pag iba ang kulay mo
Halos 20 years na din ako dito sa the “land of the rising sun” at aaminin ko na kahit papaano ay maganda ang pamumuhay ng pamilya namin dito. Madali ang trabaho, malinis ang kapaligiran, maayos ang serbisyo ng gobyerno, at puede mong kainin ang gusto mong kainin. Kahit madalas ang lindol at may bagyo paminsan minsan, kumportable talaga ang buhay dito. Marunong na akong magsalita ng Hapon at natanggap ko na rin na sumabay sa kanilang kultura. Naging isa akong mabuting mamamayan na handang tumulong kung kinakailangan. Ngunit ang masakit sa lahat ay naiiba ka pa rin kapag ikaw ay isang “gaijin” o isang foreigner. Nang maging teenager na ang aking mga anak, napapansin ko na unti-unting nahihiya sila na ang tatay nila ay iba dahil sa kanyang kulay at pinanggalingan. Ayaw nilang katabi ka kung naglalakad sa mall o namamasyal sa park at baka matukso ng mga kaibigan nila. Tinanong ko sila kung bakit at dahil daw sa ako ay “gaijin.” Kahit masakit ay naiintindihan ko ang punto nila kaya nga hindi ko ginamit ang last name ko para sa kanila. Ginawa ko ito para hindi sila tuksuhin sa eskuwela pero ito yata ang pagkakamali ko. Malaki yata ang nagging epekto nang iba ang apelyido nila sa akin. Hindi lang naiintindihan ng mga anak ko na mahirap ang mamuhay sa ibang bansa. Kahit sa Saudi, Australia at Amerika, dayuhan ka doon habang buhay. Puede kang umarte at magsalita katulad nila o maging boss ng kumpanya sa kanilang bansa pero kulang pa rin ang lahat na ito para ikaw ay maging katulad nila. Minsan habang kumakain ako sa labas ng convenience store ay dumating ang dalawang pulis at hinanapan ako ng papeles, minsan din habang nagbibisikleta, hahabulin ka din. Mahirap din humanap ng apartment dahil foreigner ka at kung iabot ang sukli sa iyo sa tindahan eh ilalaglag ang barya sa kamay mo. Sabi nila na when in Rome, do as the Romans do and to assimilate yourself to your surroundings. Ang masasabi ko lang na kahit gawin mo ito, iba ka pa rin sa mata ng madla. Kahit maging successful ka na, iba pa rin ang pakiramdam at alam mo yan. Pero kahit ganito ang buhay ng foreigner dito sa Japan, di ko masisise ang mga mamammayan dito dahil ganun talaga kahit sa ibang bansa. Ganun din sa Pilipinas na iba ang tingin at trato sa mga maiitim na tao tulad ko. Naalala ko tuloy noon na nasa Hong Kong ako in 1989 at tumitingin ng camera sa isang tindahan. Sinabihan ako ng Instik na lumabas ng tindahan at wala daw akong pera dahil Pilipino ako. Masakit man pero nilunok ko na lang. Eto lang ang masasabi ko sa aking ekspirensya sa aking pamumuhay sa abroad. Kaya ilan taon na lang at maninirahan na ulit ako sa Pilipinas na hanggang ngayon ay di ko pa rin matanggap kung bakit ko siya iniwan sa simula. Maraming salamat sa oras ninyo. Raul Dakul tubong Mandaluyong