OFW, ilang oras nakulong dahil sa pagkuha ng larawan sa Philippine Consulate sa Jeddah
Isang overseas Filipino Worker (OFW) ang ilang oras nakulong dahil sa pagkuha nito ng larawan sa Philippine Consulate sa Jeddah, Kingdom of Saudi Arabia. Napag-alaman na naganap ang insidente nang pagdakip ng mga diplomatic guard sa OFW na itinago sa pangalang Ali, nagtatrabaho sa Tabuk, KSA, noong nakaraang linggo. Kuwento ng kasama ni Ali na sina Jobert Colasi, magtutungo sana sila sa Makkah para mag-Umrah nang maisipan nilang dumaan muna sa Philippine Consulate sa Jeddah para ayusin ang ilang dokumento. Pagdating sa harapan ng konsulado, kinunan ni Ali ng larawan ang harapang bahagi ng gusali dahilan para siya hulihin ng mga diplomatic guard. Matapos tingnan ang kuha (ng larawan) ni Ali, kinumpiska ang kanyang Iqama o residence permit at dinala sa himpilan ng pulisya at ikinulong. Sinabi ng mga kasamahan ni Ali na hindi nila alam na bawal ang pagkuha ng larawan sa konsulado. Unang pagkakataon umano ni Ali na makarating sa konsulado at nakaka-pitong buwan pa lang itong nagtatrabaho sa Tabuk bilang OFW. Isang Saudi national na nagngangalang Aziz, na marunong magsalita ng wikang Filipino, ang tumulong sa pakikipag-usap sa mga awtoridad para ipaliwanag ang nangyari. Matapos magsilbing “guarantor" si Aziz, pinayagan nang makalabas ng piitan si Ali. Sa ilalim ng batas ng KSA, tanging mga employer, ang Philippine Consulate o Saudi national, na handang maging guarantor ang pwedeng maglabas sa kulungan ng mga expatriate na nakukulong na may mababang uri ng kaso. Sinabi naman ni Consul Leo Tito Ausan Jr., head ng Assistance to National Section ng Philippine Consulate, na iniutos na ni Consul General Uriel Norman Garibay na maglagay ng abiso sa harap ng konsulado na bawal ang pagkuha ng litrato sa gusali para hindi na maulit ang insidente. -- Ronaldo Z. Concha/ FRJ, GMA News