DOT: Foreigners, maaari nang manatili ng mas matagal sa PHL
Inihayag ng Department of Tourism noong Miyerkules na hindi na kinakailangang i-extend ng mga dayuhan mula sa 166 bansa ang kanilang visa upang manatili ng mas matagal sa Pilipinas. Napagkasunduan ng DOT, Department of Foreign Affairs, at Bureau of Immigration ang visa-free privilege para sa mga bisita mula sa 166 na bansa sa kanilang pananatili ng dagdag na 30 araw sa bansa mula sa kasalakuyang 21-araw na pribilehiyo, ayon sa DOT. Mabibigyan din ng dagdag na 30 araw na "visa-free" extension ang Chinese nationals na tutungo sa bansa sa pamamagitan ng isang DOT-accredited tour operator. Samantala, mabibigyan naman ng dagdag na 14 araw visa-free extension ang mga Indian national na mayroong American, Japanese, Australian, Canadian, Shengen, Singapore, o United Kingdom visa. Naihain ang panibagong patakaran upang makahikayat pa ng maraming dayuhan na magtungo sa bansa, ayon sa DOT. “We need to address the perception abroad that it is difficult to enter the Philippines. With these visa reforms, we will be on par with the entry policies of our neighbors in the region...," ani Tourism Secretary Ramon Jimenez. Ayon sa DOT, mayroon ding 30 days visa-free privilege na polisiya ang Thailand, Singapore, at Malaysia. Samantala, pinapayagan naman ng Cambodia ang mga national mula sa mga bansang ASEAN na manatili sa kanilang bansa ng 30 araw na walang visa, at namimigay din ng 30-day visas sa mga turista mula sa iba pang bansa, ayon sa DOT. Sa panibagong reporma, inihayag ni Jimenez na umaasa ang DOT na sa taong 2016, magkakaroon ng mahigit 10 milyong turista na dadalaw sa Pilipinas. Kasalakuyan pang pinag-aaralan ng DOT at ng iba pang mga ahensya ang iba pang polisiyang nais nilang ireporma, kabilang na ang special long-stay visa para sa active retirees. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News