ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suporta para sa human rights victims sa PHL hiniling


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hiniling ng dalawang Pilipinong bishop at dating political prisoner sa mga miyembro ng religious at diplomatic communities sa Church Center for the United Nations sa New York na bigyang pansin ang sitwasyon ng human rights sa Pilipinas. Ayon sa tatlo, walang nagbago sa human rights situation sa bansa mula noong termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo hanggang sa kasalukuyang panunungkulan ni Pangulong Benigno Aquino III. “There is no change between the administration of former President Gloria Macapagal-Arroyo and President Aquino,” ani Bishop Reuel Marigza, vice chairperson ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP) at secretary-general ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP). Ayon naman kay Angelina Bisuna Ipong, secretary-general ng Society of Ex-Detainees Against Detention and Arrest (SELDA), patuloy pa ring umaasa ang karamihan sa pagbuti ng human rights situation sa Pilipinas sa ilalim ni Aquino. Kilala si Ipong bilang pinakamatandaang babaeng political prisoner sa Pilipinas bago siya mapakawalan noong 2011 matapos ang anim na taong pagkakakulong. Edad 66 na siya nang mapakawalan. Kasali sina Marigza at Ipong sa delegasyong nasa US ngayon upang humingi ng suporta mula sa American church, government leaders, mga miyembro ng diplomatic community, at Filipino-Americans sa panawagang aksyunan ng Philippine government ang human rights violations sa bansa.   “We would like to have the international community help us in holding the Philippine government to its promise to improve the human rights situation in the Philippines,” ani Bishop Felixberto Calang ng Iglesia Filipina Independiente (Philippine Independent Church), na miyembro rin ng delegasyon. Giit ni Calang, chairman ng peace advocacy group na Initiatives for Peace in Mindanao (InPeace Mindanao), signatory ang Pilipinas sa ilang international humanitarian laws. Ayon sa 2011 report ng human rights group na Karapatan, sa termino ni Aquino mula Hunyo 2010, mayroong natalang 67 extrajudicial killings, siyam na disappearances, 55 kaso ng torture, at 78 political arrests. Samantala, sa tala naman ng Philippine UPR Watch, sa siyam-na-taong termino ni Arroyo noong 2001-2010, umaabot ng 1,206 ang biktima ng extrajudicial killings, 206 kaso ng disappearances, at 2,059 arrests ang natala. Ang Philippine UPR Watch ay isang ecumenical network ng Philippine human rights organizations at advocates na nakatakdang magsumite ng Universal Periodic Review reports sa United Nations Human Rights Council sa Geneva, Switzerland. Bilang secretary general ng UCCP, pinangunahan ni Marigza ang simbahan sa paghain ng kaso laban kay Arroyo at ilang top military officials kaugnay sa pagpatay, disapperances at detention ng kanilang UCCP clergy. Mula 2001, mahigit 20 UCCP clergy at mga miyembro umano na ang napatay. Namuno naman ang organisasyon ni Calang na Barug Katungod Mindanao sa kampanya upang makuha ang hustisya sa pagkamatay ni Father Fausto Tentorio, isang Italian Roman Catholic missionary priest na biktima rin ng extrajudicial killing sa Mindanao. Samantala, inaresto ng Philippine military si Ipong noong Marso 8, 2005 at nanatili sa piitan hanggang 2011. Habang nakapiit, nakaranas siya ng torture, sexual abuse, at patuloy na interogasyon. Sa kanyang librong “Garden Behind Bars” at “Red Rose for Andrea: Writings from Prison," ikinuwento niya ang karanasan ng mga political prisoner sa Pilipinas. Kasalakuyang nasa Washington D.C. ang delagation upang makipagkita sa US House, Senate at State Department committees. Maliban nito, nais ding makuha ng grupo ang atensyon ng White House. Dadalo ang grupo sa Ecumenical Advocacy Days (EAD) sa Washington DC sa darating na Marso 23-26 upang hilingin ang suporta ng US religious at faith-based community sa panawagang imbestigahan ng US Congress ang kaugnayan ng US military aid sa Pilipinas sa mga human rights violation sa ilalim ni Pangulong Aquino. Matapos nito, tutungo ang grupo sa Canada upang hikayatin ang mga Canadian lawmakers upang suportahan ang posisyon ng Philippine UPR Watch sa susunod na UN HRC Session upang mapatupad ng Pilipinas ang mga ipinangako nitong human rights. - KBK, GMA News