ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagkamatay ng Pinay OFW sa HK, kinakitaan ng 'foul play'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

May nakitang “foul play" ang medico-legal ng Philippine National Police (PNP) Region-6, na nagsagawa ng awtopsiya sa mga labi ng Pinay overseas Filipino worker (OFW) na sinasabing nagpakamatay sa Hong Kong sa pamamagitan ng pagtalon sa isang gusali noong Marso 2. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabing sa hiling ng pamilya ng pumanaw na OFW na si Cherry Mae Genova, dinala sa PNP-Region 6 crime laboratory sa Dumalag, Capiz ang mga labi nito para masuri. Ayon kay Dr Noel Martinez, medico-legal officer, lumitaw sa kanilang pagsusuri sa bangkay ni Genova na posibleng hindi sadyang tumalon ang OFW sa gusali at maaaring napagsamantalahan din ito. “Ito hindi aksidente ang pagkahulog niya. Kasi ang pagbasehan natin sa kanyang injury, kung tumalon siya either mauna ang paa niya o ulo. So madaming gasgas ang ilong niya ang mukha niya, sa paa niya maraming (dapat) gasgas, mabali ‘yan. Pero sa sitwasyon niya, halos wala siyang sugat sa mukha o paa," paliwanag ni Martinez. May nakita rin umanong mahabang sugat kay Genova na magmula sa kilay hanggang sa likod ng ulo. May mga pasa at sugat din ang biktima sa baywang na maaari umanong dulot ng paghampas ng matigas na bagay. “Ang isa pang significant finding dito, ginamit siya ilang oras o isang araw bago siya namatay," dagdag pa ni Martinez. Maaari umanong itinulak ang biktima kung pagbabatayan ang mga tinamo nitong sugat sa likod. Sa ipinalabas na report ng Hong Kong police, sinabing tumalon si Genova mula sa ika-12 palapag ng tinitirhan nitong gusali. Sinabi naman ng Overseas Workers Welfare Administration sa Hong Kong, na aabutin pa ng dalawang buwan bago lumabas ang postmortem examination na isinagawa ng Hong Kong police sa mga labi ni Genova. Patuloy naman ang panawagan sa pamahalaan ng pamilya ng OFW na tulungan silang mabigyan ng katarungan ang biktima. Nakatakdang ilibing si Genova sa Abril 9. -- FRJ, GMA News