Magsasaka, patay sa nainom na pestesidyo sa Pangasinan
Inabutang nakahiga at wala nang buhay ang isang magsasaka sa kanyang tinutuluyang kubo sa San Carlos City, Pangasinan, na hinihinalang nalason sa nainom na pestesidyo. Ayon sa mga kamag-anak, umuwing lasing ang biktimang si Mario Miranda sa kanyang kubo sa barangay Guelew, San Carlos city. Nang pumasok sa kubo ang kanyang pamangkin na si Reynalyn Miranda, nakita nito ang biktima na nakahiga sa papag at hawak ang puting lagayan ng pestesidyo na ginagamit na pamuksa sa mga kulisap at insekto sa sakahan. Hinihinala ng kapatid ng biktima na si Ronald na posibleng aksidenteng natungga ni Mario ang pestesidyo na nakalagay sa kabinet at malapit sa iba pang gamit sa pagluluto. Wala umano siyang alam na problema ng kapatid para isipin na nagpakamatay ito. "Tuwing umuuwi siya sa amin, maayos naman, lasing lang," ayon kay Ronald. Pahayag naman ni Dr. Edwin Guinto, City Health Officer, San Carlos, ang pestesidyong “lanate" na nainom ng biktima ay may matinding epekto sa puso, baga, atay, at utak ng tao. Pinayuhan niya ang mga makakainom ng lanate na uminom ng maalat na tubig o isang basong tubig na may asin, para maisuka ang lason. -- JArcellana/BMercado/FRJ, GMA News