ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

1 patay, 6 sugatan sa mall robbery, grenade attack sa isang mall sa Metro Manila


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isa ang patay habang anim naman ang sugatan sa grenade at gun attack na naganap nitong Huwebes ng umaga sa Robinsons Galleria, ayon sa ulat ni Ian Cruz para sa "Balitanghali" ng GMA News TV. Ayon sa mga pulis, papasok pa lamang ang dalawang teller at dalawang guard sa Sanry's money changer sa Ortigas side mall nang umatake ang dalawang armadong lalaki na nagpumilit na makapasok. Patay ang isang guard mula sa pamamaril ng mga magnanakaw sa apat na biktima. Mabilis na nakalabas ang mga salarin sakay sa isang motorsiklo habang binabaybay ang Ortigas Avenue, sa direksyon ng Pasig. Habang paalis, nagtapon pa ang  mga ito ng isang granada sa mga bystander. Tatlo ang sugatan mula sa pagsabog. Hindi pa makumpirma ng mga pulis kung nagtagumpay ang mga magnanakaw sa pagkuha ng pera mula sa tellers, ayon sa ulat. Mga krimen sa mall Kinumpirma naman ni Rose Ann Villegas, public relations head ng Robinsons Land, na sapilitang pumasok ang dalawang armadong lalaki sa loob ng mall bago ang oras ng pagbukas nito na 10 a.m. Samantala, inihayag ni Vincent Lizada ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sugatan ang dalawang bystanders na naghihintay lamang kanilang sundo malapit sa lugar kung saan naganap ang krimen. "(May dalawang) bystander sa area, dinala sa Ortigas base, nilalapatan ng first aid,” pahayag niya sa radio dzBB. Dulot ng insidente, sumikip ang traffic malapit sa mall, na nag-udyok sa MMDA na payuhan ang mga motorista na huwag munang dumaan sa lugar. Dalawang oras na isinara ang mall matapos maganap ang insidente. Nanumbalik lamang ang kanilang operasyon kaninang 12 ng tanghali, ayon kay Villegas. Noong nakaraang taon lamang, apat na tao ang napatay dahil sa magkahiwalay na mall shooting incidents sa Quezon City at Pampanga. Noong 2009 naman, mayroong nakawang naganap sa isang Rolex watch shop sa Greenbelt 5 sa Makati City. Nagresulta ito sa pagkamatay ng isa sa mga suspek. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News