Palasyo 'di makikialam sa planong pagbili ng Comelec ng lumang PCOS machines
Hindi na makikialam ang Malacañang sa kontrobersiyal na plano ng Commission on Elections (Comelec) na bumili ng lumang precinct count optical scan (PCOS) machines para sa 2013 midterm elections. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, hahayaan na lamang nila na sagutin ng Comelec ang mga katanungan ng ilang grupo hinggil sa nasabing desisyon. “That is something that will have to be properly answered by the Comelec. They are buying PCO machines. Comelec ang pasagutin natin diyan," ani Valte sa government-run dzRB radio nitong Linggo. Batay sa ulat, nagpahayag ang Legal Network for Truthful Elections na may ilang grupo umanong hihiling sa Korte Suprema ng temporary restraining order laban sa pagbili. Nauna nang sinabi ng Comelec na aabot sa P1.8 bilyon ang matitipad sa pagbili ng mga lumang PCOS machine kumpara sa pagbili ng bagong unit na nagkakahalaga ng P6.2 bilyon. “The Comelec is an independent body, they have to explain, in case they are asked by the court to explain. Sila na bahala doon," ani Valte. Samantala, tumangging magkomento si Valte sa panawagan ng ilang mambabatas na ipagliban ang barangay elections na nakatakdang maganap ng Oktubre 2013. Anang mga mambabatas, masyadong magastos ang pagsasagawa ng dalawang eleksyon sa loob ng isang taon. Sa 2013 din kasi nakatakda ang midterm elections. “There is no position yet [by Malacañang] at this time,” ani Valte. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News