Tubig sa Boracay ligtas at malinis, ayon sa DOT
Makasisiguro ang mga turistang bibisita sa Boracay ngayong bakasyon na may malinis na tubig na naghihintay sa kanila roon para inumin. Ayon sa Department of Tourism, ito ay dahil sa bagong water pipeline na inilagay doon upang siguruhing ligtas inumin ang tubig sa pamosong isla. Sa ulat ng "Dobol B sa News TV" ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabi ni DOT Regional Director Helen Catalbas na nagkakahalaga ang nasabing proyekto ng P126 milyon. Inulunsad ng Boracay Island Water Co (BIWC), subsidiary ng Manila Water Co. Inc., noong Marso 30 ang panibagong pipeline na isang kilometro ang haba. Inaasahang makakainom at makakagamit ang mga turista at residente ng malinis na tubig, na mula pa sa bayan ng Caticlan. Ayon sa ulat, aabot sa 96 porsiyento ng populasyon sa Boracay ang nakatatanggap ng malinis na supply ng tubig na ang kalidad ay pasado sa Philippine National Standards for Drinking Water. Ayon pa sa ulat, isinasaayos din ang isang sewage treatment plant para matiyak na ang mga waste water nito ay makapapasa sa environmental compliance standards. – Amanda Fernandez/KBK, GMA News