ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, inihayag ang mga panibagong benepisyo para sa war vets


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Kasabay sa pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng Araw ng Kagitingan nitong Lunes, inilahad ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga panibagong benepisyo para sa mga war veteran.
 
“Ipinagpupugay po ng estado ang ating mga beterano, at naniniwala akong kailangang suklian ng pag-aaruga ang kanilang mga naging sakripisyo,” inihayag ni Aquino sa kanyang talumpati para sa mga beterano sa Mount Samat sa Pilar, Bataan.
 
Simula Marso 31, maaari nang kumuha ng health services ang mga beterano sa 599 ospitals sa buong bansa na accredited bilang regional o provincial extension ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
 
“Limandaan siyamnapu't siyam na ospital po sa buong bansa ang na-accredit ng Veteran's Memorial Medical Center bilang regional o provincial extension,” ani Aquino.
 
Ayon sa kanya, kabilang ang cataract operations, coronary angiogram, at cardiac bypass sa health services na subsidized ng VMMC.
 
Ayon pa rin kay Aquino, makatutulong din ang Direct Remittance Pension Servicing System sa mga beterno sa pagkuha nila ng kanilang pensyon sa tamang oras.
 
“Nilinis na rin po ang mga talaan ng mga pensyonado nating kababayan, upang masigurong ang pera ay nakakarating sa dapat nitong hantungan,” ani Aquino.
 
Inihayag din ni Aquino na ang panibagong benepisyong ito ay isang paraan upang kilalanin ang kabayanihan ng mga war veteran.
 
“Utang na loob natin sa mga beterano na siguruhing hindi masayang ang kanilang sakripisyo. Dahil tayo ang tumatamasa ng kalayaan, utang na loob natin sa kanila ang pag-abot sa pinangarap na kaunlaran; ang pagsiguro na walang Pilipinong maiiwan; ang pagpapatupad ng tunay na katarungan,” ani Aquino.
 
Serbisyo para sa mga sundalo
 
Samantala, ayon kay Aquino, patuloy ang pagsuporta ng gobyerno sa mga sundalo sa pamamagitan ng pag-mordernize sa Armed Forces.
 
Kwento niya, darating ang Hamilton Class Cutter sa bansa ngayong Mayo upang mapatibay at mapabuti ang coastline at territorial defense.
 
Na-commission bilang BRP Gregorio del Pilar noong nakaraang taon ang pinaka-unang Hamilton Class Cutter.
 
Noong nakarang buwan naman, apat mula sa walong combat utility helicopter ang ibinigay sa Armed Forces habang ang apat na natitira ay inaasahang darating ngayong Nobyembre, ani Aquino.
 
Dagdag nito, mayroon pang nakatakdang 138 proyekto para sa Defense Acquisition System na inaasahang mapatutupad sa susunod na limang taon.
 
“Alam ko pong mataas ang morale ng ating kasundaluhan sa ngayon, hindi lamang dahil sa pabahay o combat allowance na kanilang natatanggap, kundi dahil alam nilang natatanggal na ang kultura ng katiwalian sa kanilang pamunuan. Karangalan po ang magsilbi sa bayan bilang sundalo; at mas malalim na karangalan ang dumaan sa pasakit para ipagtanggol ang kalayaan,” aniya.
 
Kabilang sa mga dumalo ay sina dating Pangulong Fidel Ramos, Japan Ambassador Toshinao Urabe, US deputy chief of mission Leslie Bassett, Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Education Secretary Armin Luistro, at Justice Secretary Leila de Lima. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News