ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

1 sa 5 magkakapatid na na-dengue sa Iloilo, pumanaw sa ospital


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isa sa limang magkakapatid na sunod-sunod na dinala sa ospital dahil sa sakit na dengue ang pumanaw sa ospital sa Dumangas, Iloilo. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Martes, sinabi ni lola Patria Gocon, na unang dinala sa ospital ang kanyang apo na si Joshua,11-anyos, noong Marso 27. Inakala umano nila na karaniwang trangkaso lang ang sakit ng bata. Ngunit nitong Abril 3, sumakabilang-buhay si Joshua. Labis ang pag-aalala ni lola Patria dahil nasa ospital din ang iba pa niyang apo na sina Karen, Justin at Jacob. Pinakahuling isinugod sa pagamutan noong nakaraang linggo ang bunso na si Patricia. Malaking pahirap din umano sa pamilya ang malaking gastusin sa pagpapaospital ng mga bata. “Sa isa pa lang nahirapan na kami sa gastos. Wala na kaming ginawa kung hindi umutang na lang," umiiyak na pahayag ni lola Patria. Batay sa talaan ng Department of Health, umabot na sa 11,000 ang kaso ng dengue sa bansa sa loob ng nakalipas na unang siyam na linggo ng 2012. Gayunpaman, mas mababa pa umano ito ng 40 porsiyento kumpara sa naitala noong 2011 sa katulad na panahon. Samantala, gumagawa naman ng hakbang ang lokal na pamahalaan ng Dumangas para mapuksa ang lamok na may dalang dengue sa barangay Bacong, kung saan nakatira ang magkakapatid. -- FRJ, GMA News