ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

OFW sa Saudi Arabia, aksidenteng nahulog sa gusali, patay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa kagustuhang matakasan ang inaakalang pulis na kumakatok sa pinto, isang overseas Filipino worker (OFW) sa Jeddah, Saudi Arabia ang dumaan sa bintana ng isang gusali at hinihinalang aksidenteng nahulog na dahilan ng kanyang pagkamatay. Sa nakalap na impormasyon ng GMA News Online sa Filipino community leader na si Winnie Camba, napag-alaman na lumipas muna ang magdamag bago natagpuan ang bangkay ng OFW na itinago sa pangalang John. Sinabi ni Camba na batay sa kwento sa kanya ng manager ni John, nataranta ang nasawi nang may marinig na kumakatok sa pinto ng flat na kinaroroonan nila habang nag-iinuman. Lumabas umano ng bintana si John na tinatayang nasa ikalimang palapag ng gusali. Hinihinalang magpapadausdos sa tubo ang OFW para makababa sa gusali pero nahulog siya. Ngunit nadiskubre lamang ang mga labi ng biktima nang maipaalam sa manager ang mga nangyari kinabukasan. Kasama ang mga pulis, tinungo nila ang gusali at nakita si John na walang buhay sa ibabaw ng exhaust fan. “Sa aking pagtatanong sa manager, nabanggit na nagkakatuwaan at nag-iinuman ng konti. Mayroong nagsabing may pulis na kumakatok at doon ay nag- panic sila. Itong si John sa kalituhan, pumunta daw sa bintana at balak yatang magpadausdos," kwento ni Camba. Napag alaman din na isang kasamahan umano ni John sa nasabing flat ang dinakip ng pulisya at nakakulong na. Mahigpit na ipinagbabawal sa Saudi Arabia ang paggawa, pag-inum at pagbebenta ng alak. Kinumpirma naman ng Philippine Consulate General sa Jeddah ang nangyaring insidente. Ayon kay Consul General Uriel Norman Garibay, nakatanggap din sila ng impormasyon na humihingi ng tulong ang isang kasamahan ni John na nakapiit. Sinabi ng opisyal na sa inisyal na impormasyon na kanyang nakuha, nag-iinuman ang ilang OFWs nang may magbiro na may pulis na kumakatok na dahilan para sila nataranta. Hindi pa niya maibigay ang buong detalye sa insidente dahil hindi pa umano tapos ang ginagawang report ng mga awtoridad. Labis na ikinalungkot ni Garibay ang nangyari sa nasawing OFW dahil batid umano ng mga ito ang patakaran sa bansang kinaroonan nila, at pinalala ng masamang biro. “Pag-isipan po natin ang ating gagawin. Wala po tayo sa Pilipinas, nasa ibang bansa tayo at igalang natin ang kanilang batas," panawagan ni Garibay sa mga OFW. - Ronald Concha/ FRJ, GMA News