Amo ng hero dog na si ‘Kabang,’ ‘di masasamahan ang alaga kapag inoperahan sa US
Inaasahang dalawang buwan mula ngayon, maaaring dalhin na sa Amerika ang hero dog ng Zambonga City na si ‘Kabang,’ para maoperahan ang kanyang napingas na nguso. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, sinabing hindi kaagad madadala sa US si Kabang dahil hindi pa nito pwedeng iwan ang anim na bagong silang na tuta. Dadalhin sa US si Kabang para sa reconstruction ng kanyang mukha. Napingas ang nguso at ilong ng aso nang sagipin nito ang kanyang batang amo mula sa rumaragasang motorsiklo. Posibleng hindi naman makasama sa US ang kanyang tagapag-alaga na si Rudy Bunggal dahil wala itong pasaporte. Napag-alaman na wala ring birth certificate si Mang Rudy na pangunahing kailangan sa pag-aplay ng pasaporte. -- FRJ, GMA News