ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Dingdong Dantes, pasukin na kaya ang pulitika sa 2013 elections?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ngayong malapit na naman ang halalan, magdesisyon na kaya ang Kapuso leading man na si Dingdong Dantes kung papasukin na niya ang pulitika? Noong nakaraang 2010 elections, naging aktibong tagasuporta si Dingdong at nobya niyang si Marian Rivera sa kampanya ni Pangulong Noynoy Aquino III. Marami ang nag-akala na hudyat iyon ng paghahanda ng aktor sa pagpasok sa pulitika lalo pa’t naiimbitahan siya na maging bahagi ng ilang aktibidad at programa ng pamahalaan. Pero sa panayam ni showbiz reporter Lhar Santiago, sinabi ni Dingdong na masaya siya sa kanyang ginagawa ngayon bilang aktor at sa tinataguyod niyang Yes Pinoy Foundation. “Malayo naman ho talaga ‘yan sa aking pag-iisip dahil I’m very happy kung nasaan ako ngayon. Masaya ako sa aking ginagawa bilang artista, masaya ako na lahat din ng ginagawa ko sa pagtulong sa iba thru the foundation," paliwanag ni Dingdong sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras nitong Biyernes. Sa susunod na linggo ay lilipad patungong Malaysia si Dingdong para i-promote ang dati nilang primetime series ni Marian na Endless Love, na kasalukuyang ipinapalabas sa nabanggit na bansa. Nalulungkot naman si Dingdong na siya lang ang pupunta sa Malaysia at hindi makakasama si Marian dahil na rin bagong sitcom ng aktres. “Siyempre nakakalungkot dahil iniexpect nila na kaming dalawa. Pero siyempre I think mag-start na yung show ni Marian, yung kanyang sitcom. Siguro mas maganda na at least man lang ako kesa wala sa amin na makapunta," pahayag niya. Ayaw naman gawing big deal ni Dingdong ang umano’y tampuhan nina Marian at co-star nila sa My Beloved na si Katrina Halili dahil nilinaw na rin naman ng dalawa na hindi totoong nagkakaroon sila ng hidwaan sa set. -- FRJimenez, GMA News