GMA News Online
Showbiz
»
Chika Minute

Pauleen Luna: 'My heart is in a happy place'

April 24, 2012 9:58pm

Naging makahulugan ang tugon ng Kapuso star na si Pauleen Luna nang matanong tungkol sa kung ano ang tunay na namamagitan sa kanila ng kanyang kapwa Eat Bulaga! host na si “Bossing" Vic Sotto.

Hanggang ngayon, tikom pa rin ang bibig nina Pauleen at Vic na magsalita tungkol sa kanilang relasyon mula nang umugong ang mga balitang nagkakaroon sila ng romantikong ugnayan.

Sa story conference na dinaluhan ni showbiz reporter Nelson Canlas sa bagong family series ng GMA 7 na Daddy Dearest kung saan bahagi si Pauleen, muling nausisa ang pretty at sexy Kapuso star tungkol sa relasyon niya kay Vic.

“Even before all the tsismis and when I’m was starting Bulaga we have a good relationship," paliwanag ni Pauleen sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Martes.

Inihayag pa ni Pauleen na masaya siya ngayon sabay dagdag na: “My heart is in a happy place."

Nang matanong tungkol sa isyu na tila hindi boto sa kanya ang mga anak ni Vic, sinabi ni Pauleen na iginagalang niya ang opinyon ng lahat.

Ang mahalaga umano ay alam niyang wala siyang ginagawang masama at wala siyang naaapakan at nasasaktan na ibang tao.

Mas gusto raw ng aktres na pagtuunan ang kanyang pagbabalik sa pag-arte sa pamamagitan ng Daddy Dearest kung saan makakasama niya si Ogie Alcasid. - FRJimenez, GMA News