ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Balang nakapatay sa kasagsagan ng P'que demolition maaaring 'di raw galing sa SWAT


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi raw sa bala ng pulis nanggaling ang balang pumatay sa isang residente sa kasagsagan ng demolisyon sa Silverio Compound nitong Lunes, batay sa inisyal na imbestigasyon.   Sa ulat ng radio dzBB nitong Miyerkules, sinabi ni Southern Police District (SPD) chief Superintendent Benito Estipona na batay sa resulta ng paunang imbestigasyon, hindi taga- Special Weapons and Tactics (SWAT) unit ang nakabaril at nakapatay sa 21-taong-gulang na biktimang si Arnel Tolentino. Ayon kay Estipona, sinabi umano sa kanila ni NBI deputy director Reynaldo Esmeralda na galing ang nasabing bala sa isang cal-.38 revolver at hindi mula sa armas ng mga taga-SWAT. Sa kabila nito, sinabi rin ni Estipona na kanila munang hihintayin ang pormal na autopsy report mula sa NBI bago magbigay ng iba pang mga detalye, ayon pa rin sa ulat ng radio dzBB. Ayon kay Estipona, tinitignan na ng NBI ang posibilidad na maaaring nagmula sa mga armadong sibilyan ang bala na nakapatay kay Tolentino. Sa hiwalay na ulat, sinabi ni Interior Secretary Jesse Robredo na isang sibilyan at ilang miyembro ng Parañaque police ang iimbestigahan nila matapos magpositibo ang mga ito sa powder burns sa ginawang paraffin test. Ayon kay Robredo, mula sa inisyal na imbestigasyon ng NBI, hindi mula ang bala sa SWAT sapagkat ito ay galing sa isang low-powered firearm tulad ng revolver at hindi high-caliber firearms tulad ng M-16 rifle na ginagamit ng mga miyembro ng SWAT. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News