ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mahilig maligo sa mga beach sa Western Visayas, pinaalalahanan ng DENR


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinaalalahanan ng Department of Environment and Natural Resources sa Region 6 ang publiko na piliin ang beach na lalanguyan ngayong summer. Ito ay matapos lumabas sa kanilang pag-aaral na ilang baybaying-dagat sa Western Visayas ang may mataas na kontaminasyon ng coliform bacteria. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabing siyam na coastal areas sa Iloilo ang kinakitaan ng mataas na kontaminasyon ng coliform. Ito ay batay umano sa isinagawang pagsusuri ng Pollution Control Division ng Environmental Management Bureau ng DENR. Gayunman, hindi naman tinukoy sa ulat ang mga eksaktong lugar sa nabanggit na lalawigan. Paliwanag ni Samson Guillergan, DENR-Region 6, ang coliform ay indikasyon na mayroong dumi mula sa mga “warn blooded animal" ang humalo sa tubig. Karaniwang mataas umano ang coliform bacteria sa mga baybayin na malapit sa urban center. Bukod sa Iloilo, ilang bahagi rin ng coaster areas sa Roxas City at maging sa Boracay na malapit sa pantalan. Ang mataas na antas ng coliform ay maaaring galing umano sa dumi na nagmumula sa mga bahay na malapit sa dagat, maling waste disposal ng mga establisimyento at kumpanyang walang maayos water treatment facilities. Nanawagan ang DENR-Region 6 sa mga lokal na pamahalaan na ilipat ng matitirhan ang mga informal settler na naninirahan na malapit sa baybayin-dagat. - FRJ, GMA News

Tags: iloilo, beach, summer