Labor Day 'surprise' ni PNoy: Dagdag-sahod para sa mga manggagawa ng gobyerno
Bago pa man dumating ang Labor Day, ibinunyag na ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang surpresa ng kanyang administrasyon para sa mga manggagawa ng gobyerno: ang posibleng pagtaas ng kanilang sweldo. Ayon kay Aquino, binigyan na ng pahintulot ng Salary Standardization Law 3 (SSL3) ang gobyerno upang ipatupad ang pang-apat na bahagi ng pay hike para sa mga manggagawa ng gobyerno. Nakatakdang lumabas ang ika-apat na bahagi ng salary increase sa darating na Hulyo, ngunit ayon kay Aquino, sinusubukan na ng gobyerno na ipatupad ang hike ng mga manggagagawa Hunyo pa lamang. “Ang question na lang dito is kung kakayanin ba iadvance yung next tranche, which the fourth tranche of the increase, so makukumpleto na po ang SSL 3?” kanyang inihayag sa mga mamahayag nang bumisita siya sa Oriental Mindoro nitong Linggo. Noong nakaraang taon, inutos ng Pangulo ang maagang pamamahagi ng ikatlong bahagi ng salary increase ng mga manggagawa ng gobyerno. Nakatakdang makipagkita si Aquino sa labor leader sa darating na Martes, Labor Day. Inihayag ng mga opisyal ng Palasyo nitong Linggo na hindi ito sang-ayon sa iginigiit ng mga labor group na P125 legislated hike para sa mga manggagawa. - Amanda Fernandez, VVP, GMA News