GMA News Online
Ulat Filipino
»
Dagupan

Hustisya sa pinaslang na alkalde ng San Carlos City, mailap pa rin

May 1, 2012 5:38pm
Nananatiling mailap umano ang hustisya para kay dating San Carlos City mayor Julian Resuello na pinaslang limang taon na ang nakalilipas.

Ito ang hinaing ng anak ni Resuello na si Jullier Resuello, kasalukuyang alkalde ng lungsod, matapos na ibasura umano ng korte ang kaso laban sa mga akusadong may kinalaman sa pamamaslang sa kanyang ama.

Ayon sa nakababatang Resuello, ibinasura ng korte ang kaso noong Enero dahil sa kakulangan umano ng katibayan laban sa mga akusado. Gayunman, iniapela nila sa mas mataas na korte ang naturang desisyon.

Ginunita nitong Abril 28 ang anibersaryo ng paspaslang sa nakatatandang Resuello. Pulitika ang nakikita ng pamilya na dahil sa pagpatay sa dating alkalde.

“Sa affidavit nandoon naman ‘yong mga name ng suspek, maging ‘yong mastermind, gun for hire, gunman…" ayon sa kasalukuyang alkalde.

“Ang alam kasi ng may gawa, kapag wala na ang ama, tatahimik na. Doon sila nagkakamali," dagdag ni Mayor Jullier, na ipinagpapatuloy ang mga nasimulan ng kanyang ama.

Ipinagdarasan at hindi pa rin daw nawawalan ng pag-asa ang pamilya Resuello na makakamit pa rin ng kanilang ama ang hustisya sa tamang panahon.

Ginawang halimbawa ng nakababatang Resuello ang kasong pagpatay kay dating senador Benigno “Ninoy" Aquino III, na pinaslang noong 1983 pero hindi pa rin lubos na nalulutas ang kaso hanggang ngayon. -- JPonsoy/DDavid/FRJ, GMA News