Marian Rivera, balik-comedy sa pinakabagong sitcom ng GMA-7 na Tweets For My Sweet
Simula Mayo 6, matutupad na pinakaaabangang pagbabalik ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa pagpapatawa dahil pagbibidahan niyang pinakabagong handog ng Kapuso Network na Tweets For My Sweet. Ang Tweets For My Sweet ay kwento ng isang dalagang nagngangalang Meg (Marian) na lumaki sa probinsya kung saan magsisikap siya para makamit ang pinapangarap niyang makapagpatayo ng coffee shop o café. Nagpahayag naman ng sobrang kasiyahan si Marian dahil sa bagong biyaya na kanyang natanggap. “Sobra akong natutuwa dahil ibinigay sa akin ang programang ito at magkakaroon ako ng pagkakataon upang makatrabaho ang ilan sa mga taong hinahangaan ko sa industriya," ayon sa aktres. Dapat daw abangan ng mga Kapuso ang Tweets For My Sweet dahil pasasayahin nito ang weekend ng bawat manonood. Balik din sa pagpapatawa Tweets For My Sweet ang isa sa mga tinitingala sa larangan ng komedya na si Roderick Paulate, bilang si JB Mercado. Bahagi na rin ng programa ang Kapuso actress na si Sheena Halili, Kusina Master host Chef Boy Logro, Tween stars na sina Elmo Magalona at Barbie Forteza, at ang Youtube sensation na si Mikey Bustos. Mahalagang karakter din ang gagampanan ni Ms. Nova Villa sa Tweets For My Sweet bilang si Domina delos Santos. Ang sitcom ay gagawin sa ilalim ng pamamahala ng batikang direktor na si Uro Dela Cruz. Tuklasin ang mga sangkap para maabot ang mga pangarap sa Tweets For My Sweet tuwing Linggo simula Mayo 6, pagkatapos ng 24 Oras Weekend sa GMA. -- FRJ, GMA News