'Police mentality,' hindi na nakatutulong sa Maynila --Erap
Inihayag ni dating Pangulong Joseph Estrada nitong Huwebes na hindi na nakatutulong ang "police mentality" sa pagresolba ng mga problema sa Maynila. Ang pahayag ay ginawa ni Estrada sa oath-taking ceremony ng mga bagong miyembro ng kanyang partidong Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) sa San Juan City. Inaasahang maghaharap sina Estrada at incumbent Manila Mayor Alfredo Lim para sa pinakamataas na posisyon sa lungsod ng Maynila sa darating na 2013 elections. “Ang Maynila, nakakapanghinayang… hindi naman sa inaano ko lahat ng pulis pero buti na lang hindi ako utak-pulis. Hindi na uso ang shoot-to-kill," pahayag ng dating pangulo na dati ring alkalde ng San Juan. Sa nakaraang mga buwan, ilang suspek sa iba’t ibat karumal-dumal na krimen ang napapatay ng mga pulis habang nasa kanilang kostudiya dahil sa alegasyon na nang-agaw ng baril. Si Lim ay retiradong police general at nagsilbi ring pinuno ng National Bureau of Investigation. Sinabi ni Estrada na nais niyang magkaroon ng “complete urban renewal" ang Maynila. Sa kabila nito, hindi pa rin daw tiyak si Estrada kung tatakbong alkalde sa Maynila. “Siyam na tulog na lang po, malalaman niyo na kung tutuloy ako o si Isko [Vice Mayor Isko Moreno] ang inyong magiging mayor," aniya. Ayon pa sa dating pangulo, kinakailangan pa niyang makipagpulong sa mga pinuno ng PMP upang itanong ang posibilidad ng kanyang pagtakbo bilang mayor ng Maynila sa susunod na taon. Isko, Zubiri, nanumpa Kabilang sa mga nanumpa bilang bagong miyembro ng PMP sina dating Senador Juan Miguel Zubiri at vice mayor Moreno. Pinamunuan ni Senate President Juan Ponce Enrile, PMP chairperson, ang seremonya ng panunumpa ng mga bagong kasapi na ginanap sa Club Filipino sa San Juan City. Maliban kina Zubiri, Moreno, at ilang local leaders ng Maynila, nanumpa rin sa PMP si dating Solicitor-General Frank Chavez bilang director for legal affairs ng partido. Ayon kay Enrile, makatutulong si Zubiri sa pagpapalakas ng kanilang partido sa darating na 2013 midterm elections. “Itong pulong na ito ay simbolo na lumalapit na ang halalan… Bawat pumapasok na pulitiko sa isang partido ay nagpapalakas sa kanyang partidong sinasalihan," paliwanag ni Enrile sa kanyang talumpati. Noong nakaraang buwan lamang, nakipagsanib ang PMP sa Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ni Vice President Jejomar Binay upang mabuo ang United Nationalist Alliance (UNA). -- Mandy Fernandez/FRJ, GMA News