Maliliit na eroplano, ililipat sa Sangley Point, Cavite – PNoy
Humigit-kumulang isang buwan aabutin ang paglilipat ng mga maliuliit na eroplano at air traffic control operations para sa mga ito mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungo sa Sangley Point sa Cavite. Inilahad ito ni Pangulong Benigno Aquino III nang bumisita siya sa isla ng Corregidor nitong araw ng Linggo para gunitain ang sakripisyo ng mga beterano at nasawi noong isinuko ang isla sa Japanese army 70 taon na ang nakaraan. "More or less a month ang sinabi sa aking timetable," sabi ng Pangulo. Isasagawa ang planong ito upang tugunan ang problema ng congestion o pagsisikip ng trapik at pagkaantala ng mga flight mula at palapag sa NAIA, dagdag ni Aquino. Dating base militar ng Amerika ang Sangley Point, kung saan naroon noon ang communications at runway ng US Navy. Philippine Navy na ngayon ang may kontrol sa Sangley. Ayon sa Cebu Pacific, 17 porsyento ng air traffic sa NAIA ay dahil sa mga maliliit na eroplano at iba pang "general aviation" operations. Pabor ang Cebu Pacific na ilipat sa Sangley ang general aviation operations na pasan ngayon ng NAIA. Expansion ng Sangley wala sa plano "Ngayon kung palalakihin natin 'yung Sangley, medyo napakalaki ng gastos, malaki 'yung reclamation. Daan-daan na kakailanganing reclamation para magkaroon tayo ng parang katulad ng NAIA. So baka hindi ganoon ka-feasible sa kasalakuyan," dagdag niya. Matapos maganap ang madugong pagbagsak ng isang light cargo plane sa residential area sa Parañaque City noong Disyembre ng nakaraang taon, hiniling muli ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ilipat ang paliparan ng mga maliliit na eroplano palayo sa mga lungsod ng Parañaque at Pasay. Sa mga naunang ulat, hiniling ni CAAP head Ramon Gutierrez ang posibleng paglilipat ng 'general aviation' sa Sangley Point upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente sa paligid ng NAIA. Mahigit 13 katao ang namatay matapos bumagsak ang isang light cargo plane. Apektado rin ang mahigit 3,000 mag-aaral matapos mabagsakan ang kanilang elementary school. — Amanda Fernandez/ELR, GMA News