GMA News Online
Showbiz

Luna Blanca, kauna-unahang multi-generation series ng GMA-7

May 15, 2012 4:33pm
Inihahandog ng Kapuso Network ang pinakabagong fantasy drama na Luna Blanca, kung saan tatakbo ang istorya sa tatlong henerasyon.

Ang Luna Blanca ay kinatatampukan ng dalawang child sensations na sina Jillian Ward at Mona Louise Rey. Gaganap si Jillian bilang si Luna at si Mona naman ang nasa papel bilang si Blanca.

Bagaman kambal sila, ipinanganak silang magkaiba. Maitim si Luna, habang maputi naman si Blanca.

Lalong magiging kakaiba si Luna dahil sa kanyang mystical twin shadow.

Ang Luna Blanca ang pinakaunang multi-generation drama series sa Philippine television na tatakbo sa tatlong henerasyon.

Sina Jillian at Mona ang gaganap bilang mga batang henerasyon nina Luna at Blanca. Sina Barbie Fortaleza at Bea Binene naman ang gaganap sa pangalawang henerasyon kung saan sila ay mga dalaga na. At sina Heart Evangelista at Bianca King naman sa ikatlong henerasyon.

Ang Luna Blanca ay magsisilbing sequel ng high-rating telefantasya ng GMA-7 na Luna Mystika.

Ang makabagbag-damdaming istorya ng magkaibang kambal ay hindi lamang para sa mga kabataan, bagkus magbibigay din ito ng mga panibagong aral sa mga manonood.

Kasama rin sa proyekto sina Raymart Santiago, Camille Pratts, Chynna Ortaleza, Dante Rivero, Marissa Delgado, Karen delos Reyes, Mercedes Cabral, Buboy Villay, at Akrin Magalona.

Ang Luna Blanca ay isa na naman sa mga ipinagmamalaking produkto ng Entertainment TV Group, sa ilalim ng direksiyon ni Dominic Zapata.

Mapapanood ang Luna Blanca simula sa Mayo 21, 2012 sa GMA Telebabad. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus