Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Angelika dela Cruz, balik kontrabida sa bagong teleseryeng ‘Kasalanan Bang Ibigin Ka?’

May 17, 2012 6:55pm
Kontrabida ang gagampanang papel ni Angelika dela Cruz sa bagong afternoon prime series ng Kapuso network na ‘Kasalanan Bang Ibigin Ka?’
 
Ayon sa ulat ni Ruel Mendoza ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), pagkatapos ng kanyang mabait na role sa patapos na teleseryeng Biritera, magiging masama naman ito sa kanyang susunond na proyekto.
 
“Maganda kasi ‘yung role na in-offer sa akin. At saka okay lang naman na bumalik ako sa pagkontrabida,” pahayag ni Angelika sa PEP.ph
 
Magsisimula ang 'Kasalanan Bang Ibigin Ka?' sa Hunyo 5, 2012, at kabilang dito sina Geoff Eigenmann, Jackie Rice, Jennica Garcia, at Michael de Mesa.
 
Dagdag pa ng aktres, gusto raw nito na magkakaiba ang kanyang mga ginagampanang mga papel sa mga palabas.
 
“Gusto ko rin ng paiba-iba. Minsan inaapi ako, sa susunod ako naman ang mang-aapi,” wika ng aktres.
 
Bukod dito, magwawakas na ang GMA Telebabad show na ‘Biritera’ ngayong Biyernes, Mayo 18, at mami-miss daw ng aktres ang kanyang anak sa palabas na si Roseanne Magan.
 
Nakita raw ni Angelika ang pagbabago ni Roseanne simula noong una silang nagkasama sa palabas.
 
Mahiyain pa raw ito noong una dahil naninibago pa siya sa mga nakakasama niya sa set. Ngunit noong kinausap na ni Angelika ang batang aktres, na kailangang maging kumportable ang batang aktres sa kanya upang maging maganda ang kanilang mga eksena.
 
Nakinig naman daw ito at naging malapit na sila sa isa't-isa. Kuwento pa ni Angelika, naging makulit na rin daw ito.
 
Dagdag pa niya, “Sana ay may next project na siya agad kasi very talented ang batang ‘yan. Hindi lang siya magaling kumanta, pati umarte ay pasadung-pasado siya.”
 
Gayunpaman, dahil din sa dami ng mga proyekto ni Angelika, nababawasan na rin daw ang panahon niya sa kanyang tatlong taong gulang na anak na si Gabby.
 
Wika pa ni Angelika, "Bilang ina, siyempre may guilt feeling ka na hindi mo maasikaso ang anak ko as much as you want dahil nasa trabaho ka."
 
Gayunpaman, kahit pagod ito sa trabaho naghahanap pa rin naman si Angelika ng oras para sa kanyang anak. At tuwing may free time raw ito, ang buong oras nito ay nasa kanyang pamilya.
 
Aniya, “Naaawa nga ako kay Gabby kasi minsan kinukulit niya ako na maglaro. E, natataon pa na puyat na puyat ako from shooting."
 
“Siyempre, mas gusto mong matulog nang mahaba, di ba? Doon siya mangungulit na maglaro kami. Minsan talaga hindi ko napagbibigyan. Pero kapag kumpleto na ang pahinga ko, doon na ako puwedeng makipaglaro sa baby ko," dagdag pa niya.
 
Gayundin, nang tanungin naman si Angelika kung balak ba nitong tumakbo bilang konsehal ng Malabon sa mangyayaring eleksyon ngayong 2013, ito ang kanyang naging pahayag:
 
“Noon ko pa naman nasabi na gusto kong manilbihan bilang public servant sa Malabon. Doon ako lumaki at gusto kong tumulong sa maraming tao doon... Noon pa kami sumusuporta sa mga projects doon."
 
Ngunit pinag-iisipan pa raw ito ni Angelika at hihingi muna siya ng blessing sa kanyang asawa.
 
Dagdag pa niya, “Basta hindi ako mawalan ng panahon sa pamilya namin.” Mac Macapendeg/ELR, GMA News