ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga senador, magsasagawa ng emergency caucus sa 'di pagsipot ni Corona sa impeachment trial


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Magsagawa ng emergency caucus ang senator-judges upang mapag-usapan kung ano susunod nilang gawin sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, na kasalakuyang nasa intensive care unit sa isang ospital sa Pasig City. "The latest is that the Senate president has called for a caucus at noon of all senators," ayon kay Senate Majority Leader Vicente C. Sotto III. Inatasan na umano siya ni Senate President at impeachment trial presiding officer Juan Ponce Enrile na tawagan ang senator-judges para sa isang emergency cuacus. Inatasan din umano ni Enrile si Sotto na ipatawag ang Senate doctor upang matingnan ang kalagayan ng punong mahistrado na dinala sa ICU ng The Medical City Miyerkules ng madaling-araw. "It's always best to verify [but] I have not received word from him," ani Sotto. Ayon kay Sotto, hindi pa niya alam kung ano ang tatalakayin sa caucus ngunit maaari umano nilang pag-usapan ang hindi pagdalo ni Corona sa paglilitis ngayong hapon. Si Corona ang huling testigo ng defense panel. Paliwanag niya, wala silang "hard and fast rule" sa waiting time kapag magkasakit ang testigo. Noong Martes, inihayag ni Enrile na maaaring magbotohan para sa magiging hatol ng kasong impeachment sa susunod na Lunes. Ayon sa mga ulat nitong Miyerkules ng umaga, sinabi ng mga duktor ni Corona na kailangan siyang isailalim sa 48-oras na obserbasyon. Nauna nang inihayag ni Dr. Eugenio Ramos, SVP for medical services ng The Medical City, na posibleng nakaranas ng acute coronary syndrome o heart attack si Corona kaya kinakailangan umanong obserbahan ang punong mahistrado. Nauna nang binalaan na ni Enrile ang defense team na maaaring burahin sa records ng impeachment proceedings ang naging testimonya ni Corona kung hindi ito sisipot sa trial ngayong Miyerkules. Magdedesisyon ang senator-judges batay sa naunang inilahad na mga ebidensya kung hindi babalik ng impeachment court ang mahistrado para sa kanyang cross-examination, ayon kay Enrile. Hindi ikinatuwa ni Enrile ang huling pananalita ni Corona matapos ang kanyang mahabang opening statement – sa pagsasabing: "And now the chief justice of the Republic of the Philippines wishes to be excused." Matapos ito, nagmadaling umalis sa Senate hall si Corona sa kabila ng panawagan ng Senate President na bumalik sapagkat hindi pa siya na-discharge bilang testigo. Nakabalik sa Session hall si Corona matapos ang isang oras. Nanatili siyang tahimik habang pinagsabihan ni Enrile si lead defense counsel Serafin Cuevas sa naging aksyon ng kanyang kliyente. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News