Corona, nabigong ipagtanggol ang sarili — Palasyo
Sa pananaw ng Malacañang, nabigo umanong ipagtanggol ni impeached Chief Justice Renato Corona ang kanyang sarili mula sa mga ebidensyang nauna nang inihain laban sa kanya sa kabila ng pangunang talumpati niyang tumagal ng tatlong oras. “We remain firm that the chief justice failed to controvert the evidence against him.... Nonetheless, we will wait if he submits himself to cross-examination so the truth will come out," ani deputy presidential spokesperson Abigail Valte sa isang text message sa media. Sa kanyang pagharap sa impeachment court, iginiit ni Corona na hindi siya nagnakaw mula sa kaban ng gobyerno. Ayon sa kanya, paghihiganti lamang ang kasong impeachment na inihain laban sa kanya matapos magdesisyon ang Korte Suprema na ipamahagi ang Hacienda Luista, na pagmamay-ari ng ina ni Aquino na si yumaong Pangulong Corazon Aquino, sa farmer-beneficiaries. Sa hiwalay na text message, inihayag ni Presidential spokesperson Edwin Lacierda na sa halip umanong lumabas ang katotohanan, nagkaroon ng lock-down nang mag-walkout si Corona matapos ang kanyang talumpati. “We expected the Chief Justice to be crossed examined yesterday [Tuesday] so that the truth will come out but instead truth suffered a lock-down,” aniya. Inihayag ni Lacierda: "In the spirit of transparency and accountability, the Chief Justice should allow himself to be cross examined so that the truth will come out.” Tinanggihan ni Senador Franklin Drilon at ng mga miyembro ng House prosecution team ang hamon ni Corona. Kasalakuyang naka-confine si Corona sa The Medical City matapos siyang isinugod doon madaling-araw nitong Miyerkules at inipinasok sa intensive care unit (ICU) dahil umano sa posibleng heart attack. — Amanda Fernandez/ELR, GMA News