ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Cuevas: Corona, maaaring hindi dumalo sa kanyang 'judgment day'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Maaaring hindi pupunta si Chief Justice Renato Corona sa Senado sa Martes, kung kailan ihahayag ng impeachment court ang kanilang magiging hatol matapos ang 42-araw na paglilitis sa impeachment case. Ayon kay lead defense counsel Serafin Cuevas, kinatatakutan umano ng pamilya at ng legal team na maaaring hindi kayanin ng kalagayan ni Corona ang stress. “Ang akin pong perception and assessment, ayaw na ng kanyang anak at ni Mrs. Corona na haharap siya (chief justice) roon, hindi magiging mabuti para sa kanya," ani Cuevas sa panayam ng dzBB radio. Inaasahang magbibigay ng kanilang hatol ang Senate impeachment court sa darating na Martes matapos pakinggan ang panghuling argumento ng kapwa prosekusyon at defense sa darating naman na Lunes. Ayon kay Cuevas, "worried" umano ang defense panel sa posibleng pagtumba  ni Corona sa Senate impeachment court. “Baka mag-collapse, 'yan ang aming pangamba," aniya. Mula pa noong Martes, naka-confine si Corona sa The Medical City sa Pasig City ilang oras lamang matapos siyang humarap sa impeachment court upang magbigay ng mahabang talumpati. Sumailalim siya ng 48-oras na obserbasyon ng kanyang mga duktor. Kinailangan niyang pumirma ng waiver upang payagan siya ng ospital na humarap muli sa Senado noong Biyernes. Samantala, inihayag ni Cuevas na hindi sila nakatanggap ng written notice na nag-uutos kay Corona na humarap sa Senate impeachment court sa araw ng pagbaba ng hatol. “Walang notice sa amin ng promulgation of judgment. Sa ordinaryong husgado naka-schedule ang promulgation, sa araw ng promulgation nakaharap siya para basahan. Ang aming pagkakaunawa 'di promulgation kundi sasabihin ng husgado ang decision," aniya. “(If we) cannot peruse it we will be deprived of an opportunity to know the grounds,” dagdag pa niya. Samantala, iginiit ni Cuebas na maaari nilang kwestiyunin ang magiging desisyon ng impeachment court sa Korte Suprema. “We are unanimous that although there is no categorical pronouncement in the law that there is no appeal, we want to glide along with that kind of perception,” aniya. Hindi rin umano malinaw sa 1987 Konstitusyon sa isyu, dagdag pa niya. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News