Sotto: Hatol sa impeachment ni Corona, ibababa na sa Martes
Inihayag ni Senate majority leader Vicente Sotto III nitong Linggo na mabibigyan lamang ng isang gabi ang mga senator-judge na pag-isipan ang kanilang magiging boto sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. “Baka may compelling statement o reason maibigay ang either side, some of us who have not fully made up their minds unless they have a good picture of the proceedings, di kaagad talaga makakapagbigay. So to be fair to everyone kinabukasan ang pinakamaganda,” ani Sotto sa panayam ng dzBB radio. Ayon kay Sotto, imumungkahi niya ngayong Lunes na isagawa ang botohan ng magiging hatol ng Punong Mahistrado sa susunod na araw, Martes, isang araw matapos ihayag ng kapwa ang kampo ang kanilang closing arguments. Inihayag niya ito matapos niya kausapin ang karamihan ng mga senador. Dagdag din niya, inaasahan umano ng Senado na tatanggapin ng publiko ang magiging desisyon ng Senate impeachment court sa kaso ni Corona. “Siguro naman, siguro naman,” sagot ni Sotto nang tanungin kung inaasahan ba niya ang pagtanggap ng kapwa defense at prosecution ang magiging hatol. Ayon kay Sotto, ihahayag ng mga senador ang kanilang boto sa alphabetical order, base sa apelyido ng mga senator-judge. Iminungkahi rin niyang mabigyan ng dalawang minuto ang bawat senator-judge para ipaliwanag ang kanilang naging boto.