We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Matapos makatanggap ng record-breaking 3,000 song entries, ipinakilala na ang Top 14 sa kauna-unahang Philippine Popular Music Festival (PhilPOP) nitong Lunes. Sa press conference na ginanap sa Resorts World nitong Lunes, May 28, pinamunuan ng music maestro at PhilPOP executive director na si Ryan Cayabyab, ang pagpapakilala sa 14 na finalists. Layunin ng naturang music festival na makahanap ng "the next big Filipino songwriter". Ang PhilPOP ay binubuo ng mga respetadong local artist at kilalang mga personalidad mula sa music industry. Bukod sa pagbibigay ng pagkakataon na maitampok ang talento ng mga Pinoy music artist, layunin din ng PhilPOP na mabigyan ng pagkilala ang kontribusyon ng mga Pinoy song writer at composer sa musikang Pilipino. Sa harap ng pagdagsa ng mga dayuhang performer na nagtatanghal sa Pilipinas, iginiit ni Cayabyab na hindi patay ang Original Pilipino Music o OPM. "Hindi patay ang Filipino music. Buhay na buhay. Very diverse, very creative, naghahanap lang ng malalabasan. At finally, they found a place where they could write and express their emotions," paliwanag niya. Sa mga nagpadala ng kanilang obra, napiling 14 finalists sa PhilPOP sina Timothy Anjello Alfaro, Trina Belamide, Noah Zuniga Cabalquinto, Joh Kennard Eleazar Faraon, Gary Granada, James B. Leyte, Edwin B. Marollano, Kristofferson B. Melecio, Keiko Necesario, Bryon Ricamara, Ronaldo M. Sorioso, Soc Villanueva, Michael Angelo Santos Villegas, at Karl Vincent H. Villuga. Ang mga kalahok ay mga amateur at professional Filipino composer na naninirahan sa Pilipinas at sa ibang parte ng mundo tulad ng United Kingdom, France, Canada, Singapore, Malaysia, at Hong Kong. Ilan sa mga mang-aawit na nais ng mga kalahok na kumanta ng kanilang likha ay sina Juris, Jay ng Kamikaze, Chito Miranda, Joey Ayala, Michael V, Vice Ganda, Gary Valenciano, King and Queen of RnB na sina Jay-R at Kyla. May ilan ding finalists na nais na sila mismo ang aawit ng nilikha nilang kanta. Sa July 14, 2012 ang final performance ng mga kalahok ng PhilPOP music fest, na gaganapin sa Plenary Hall ng Philippine International Convention Center (PICC). Ang grand winner ay makakatanggap ng P1 milyon, habang P500,000 at P250,000 naman para sa dalawang runner-up. Magkakaroon din ng award para sa tatanghaling People's Choice award o pinakapopular na awitin. Ito ay pipiliin sa pamamagitan ng text votes. – Mac Macapendeg/FRJ, GMA News